Sa susunod na buwan, magkakaalaman na ang magkakalabang kandidato sa maraming naglalakihang lungsod at bayan dito sa Metro Manila.
Maraming incumbent candidates ang inaasahang mananalo pa rin sa eleksyon. Ilan dito ay “unopposed” o walang kalaban . Kabilang dito sina Mandaluyong Mayor Menchie Abalos, Makati Mayor Abby Binay, Pasay City Mayor Emy Rubiano-Calixto (Congressman pa rin ang tatakbuhan ng kapatid niyang si dating Mayor Tony Calixto) , Las Pinas Mayor Imelda Aguilar, Taguig Mayor Lino Cayetano, Toby Tiangco ng Navotas City at Valenzuela Mayor Rexlon Gatchalian.
Doon sa kandidatong may kalaban, malaki ang kalamangan ni San Juan Mayor Francis Zamora kay Janella Estrada, at Pasig Mayor Vico Sotto na kalaban ang nagbabalaik na si dating Mayor Bobby Eusebio.
Balikatan naman ang labanan sa Muntinlupa at Paranaque at Malabon. “Graduate” na si outgoing Mayor Jaime Fresnedi at interesado naman si Rep. Ruffy Biazon. Makakaharap niya ang dating alkalde na si Aldrin San Pedro sa isang dikitan na labanan kapag nagkataon.
Sa Paranaque, kung saan graduate na si MMC chairman at outgoing Mayor Edwin Olivarez, ang kakandidatong mayor ay ang kapatid niyang si Rep. Eric Olivarez. Makakalaban nito ang nagbabalik at popular na si dating Rep. Gustavo Tambunting na bahagyang nakakaabante sa ngayon.
Pareho din ang sitwasyon sa Malabon kung saan “graduate” na rin si Mayor Len Oreta at ang lalaban ay kapatid niyang si Councilor Jose Lorenzo Oreta. Ayon sa mga political observers, matatalo siya sa kalabang si dating Rep. Federico Sandoval II.
Sa Maynila, inaasahang magiging “neck and neck” ang labanan nina incumbent Vice Mayor Dra. Honey Lacuna-Pangan at Tondo first district Rep. Manny Lopez ng PDP- LABAN. Parehong galing sa “heavyweight political families” ang dalawang ito at may kanya-kanyang balwarte. Kaya lamang, si Honey ay inaasahang bubuhatin ng popularidad ni Mayor Isko. Inaasahang magkakatalo sila sa “last minute”.
Sa Quezon City, mahirap talunin si Mayor Joy Belmonte dahil sa kanyang mabilis at magandang paghawak ng “pandemic response” sa lungsod lalot pinakamalaki ito sa area at populasyon. Kamakailan, nagtayo ang oposisyon ng grupong Malayang QC kung saan nagkaisa sina Reps. Mike Defensor, Winnie Castelo at Bingbong Crisologo. Meron silang manifesto na hinihikayat si dating mayor Herbert Bautista na tumakbong alkalde, at meron ding paugong na baka si Defensor ang lumaban.
Sa Caloocan, kung saan “graduate” na rin si Mayor Oca Malapitan, tatakbo na lamang siyang Congressman sa bagong terseroi distrito ng North Caloocan. Ang lalabang alkalde ay ang anak nitong si Rep. Dale “Along” Malapitan at makakalaban si Rep. Egay Erice. Malaki sana ang panalo ni Vice Mayor Maca Asistio III sa “three cornered fight” pero mas ginusto nito mag-congressman na lamang sa 2nd district ng kanyang amang si Baby at iiwanan ni Erice.
Pero, ang babantayan ko at ng marami ay itong Marikina kung saan may namumuong “bad blood” ngayon sa pagitan ni dating mayor, at MMDA Bayani Fernando at ang kasalukuyang Mayor Marcy Teodoro. Pareho silang kandidato ng Nationalist Peoples Coalition (NPC) noong nakaraang eleksyon, pero nagkasamaang loob ng biglang sisihin umano ni Mayor Marcy si BF sa mga nangyaring pagbaha sa Marikina. Bukod dito, lahat umano ng mga proyekto ni BF para lutasin ang mga pagbaha sa kanyang bayan ay pinatigil ni Mayor Marcy. Dahil dito, ang “bad blood” sa Marikina ay dadanak sa bilangan ng boto sa eleksyon sa Mayo.
Malayo pa o higit pitong buwan pa mula ngayon ang halalan, pero asahan na ang pag-igting ng mga maniobrang pulitika ng mga kandidato. Maraming fake news, batikusan,at mga sekretong kampanya ang mapapanood natin.
Ang pakiusap lamang natin sa lahat ng mga kandidato, sana naman sila’y maging positibo, at tunay na nakakatulong sa kapakanan ng mga botante ang kanilang kampanya. Wala nang puwang ngayon ang karahasan, takutan at pangggugulang at dayaan sa eleksyon. Ibabasura kayong tiyak ng taumbayan at dadalhin sa kangkungan.
The post Nagliliyab na pulitika sa Maynila, Marikina, Caloocan, QC at Malabon appeared first on Bandera.
0 Comments