Mahal
NAPAKASAKIT ng iyak nina Lany Tesorero at Jason Tesorero habang nagkukuwento tungkol sa biglaang pagpanaw ng kanilang kapatid na si Mahal dahil sa COVID-19 complications.
Si Mahal ang panganay sa apat na magkakapatid kaya naman talagang ginawa niya ang lahat para masuportahan at mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.
Talaga raw na-shock sina Lany at Jason nang malamang wala na si Mahal o Noeme Tesorero sa tunay na buhay. Na-cremate na nitong nagdaang weekend ang labi ng komedyana.
“Nabigla rin po kami na may sakit pala siya,” pahayag ni Lany sa panayam ng “Kapuso Mo, Jessica Soho.”
“Kuwento po sa amin ng manager ni Mahal at ni Mygz, mayroon daw ubo at sipon. Ang sabi naman ni Mahal okay lang siya. After three days po parang hindi na normal, tapos dinala na nila sa ospital. Nahirapan na huminga. Bumaba ‘yung oxygen niya,” sabi naman ni Jason.
Dugtong naman ni Lany, “Yun din po ‘yung araw na tinest siya, na antigen na nag-positive siya. Nu’ng nalaman kong may sakit si Ate Mahal agad akong pumunta ng Batangas. Sabi ko uwi kita. Ihanap kita rito sa Quezon City.”
Sabi naman ng isa pang kapatid ni Mahal na si Irene na siyang nagbahagi ng malungkot na balita sa pamamagitan ng Facebook, “Imposible, kasi sabi okay raw e, 50/50, then after few minutes wala na raw si Mahal.
“Nagulat lahat kami. Hanggang ngayon hindi ko pa rin matanggap na wala na,” aniya pa.
Pahayag pa ni Lany na patuloy ang pagtulo ng luha, “Akala ko maaabutan ko pa siya. Hindi ko man lang nayakap ‘yung kapatid ko. Sabi ko kahit may COVID pa siya, yayakapin ko siya e.”
Isa pa raw sa nagpalala sa kundisyon ni Mahal ay ang iniinda nitong sakit na may kinalaman sa gastrointestinal.
Kuwento ni Jason, “Si Mahal, since na bata talaga siya kapag nagkasipon po ‘yung sisinghutin sipon at tsaka idudura. Ang ginagawa niya lang, pinapabayaan niya lang tapos lulunuk-lunukin niya lang ‘yan.
“Hanggang sa naipon daw po ‘yung plema sa loob ng tiyan. Doon po nagkaroon ng bleeding ‘yung intestine niya po,” dugtong pa ng kapatid ni Mahal.
Ito naman ang mensahe ni Jason para sa pumanaw na kapatid, “We are proud of you. Sa lahat ng na-achieve mo sa buhay. Maraming salamat sa lahat ng tulong na ibinigay mo sa amin. Pati sa fans mo sa pagbibigay saya at halakhak, tawa. Maraming salamat.”
Sabi naman ni Lany, “Mahal na mahal namin siya at hinding-hindi namin siya makakalimutan.”
Bago sumakabilang-buhay si Mahal ay namaalam na rin ang kanyang ama dahil sa kidney failure, dulot ng COVID-19.
The post Kapatid ni Mahal iyak nang iyak: Akala ko maaabutan ko pa siya, sabi ko kahit may COVID yayakapin ko siya… appeared first on Bandera.
0 Comments