Mahal at Mura
MARAMING pinaluhang manonood ang dating magkatambal na sina Mahal at Mura nang muli silang magkita makalipas ang mahabang panahon.
Parehong naging emosyonal nang personal na magkita sina Mahal (Noemi Tesorero sa tunay na buhay) at Mura (Allan Padua) sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho kamakalawa.
Talagang sinadya ni Mahal ang bahay ni Mura sa Guinobatan, Albay kasama ang kaibigang si Mygz Molino para bisitahin ang kaibigan at mabigyan na rin ng tulong.
“Hindi niya in-expect na surprise sa kanya. Hindi ko po na-expect na siya ang susundo sa amin,” ang simulang pahayag ni Mahal.
Nasorpresa rin si Mura nang makita si Mahal dahil ang alam daw niya ay si Mygz lamang ang pupunta roon kaya naman doble-doble ang kaligayahang naramdaman niya sa reunion nila ng dating katambal.
In fairness, mala-Extra Challenge rin ang hinarap nina Mahal at Mygz bago makarating sa bahay ni Mura. Mahigit isang oras silang naglakad, tumawid sa makitid na tulay at kinailangan din silang maglakad sa putikan.
Abot-langit ang pasasalamat ni Mura at ng pamilya nito sa tulong pinansyal at munting kabuhayan na ibinigay sa kanya nina Mahal at Mygz.
“Tuwang-tuwa po talaga kasi binigyan ako ng pambili ng baboy,” pahayag ni Mura.
“Hanggang sa tumanda ako o uugud-ugod, siyempre pupunta pa rin ako rito. Para kapag may raket iaalok kita, okay! Kapag halimbawa nawala ako sa mundo, mayroon akong kaunting naitulong sa ‘yo,” ang lumuluhang pangako ni Mahal kay Mura.
Tuluyan namang nadurog ang puso ng mga manonood nang nag-iyakan na pareho sina Mahal at Mura at yakapin ang isa’t isa kasabay ang pangakong kailangang magkita sila uli.
Pahayag pa ni Mahal, “Sabi ko, Mura huwag ka na magganyan (umiyak). Parang naawa lang ako kasi hindi ko expect ‘yung wala kang trabaho. ‘Yung pagte-therapy mo, kahit nag-uugod-ugod, ipapa-therapy kita.”
“Kay Mahal, nagpapasalamat ako sa kanya dahil narating n’ya itong bahay ko, malayo. Tulad ko tinulungan din niya, marami pa siyang matutulungan,” pahayag naman ni Mura.
Gustung-gusto rin daw niyang bumalik sa pag-aartista pero mukhang mahihirapan nga raw siyang magtrabaho uli dahil may mga iniinda na siyang karamdaman.
Ito’y matapos siyang maaksidente sa sinasakyang tricycle noong 2010 at nahirapan nang maglakad.
“Malungkot kasi parang gusto kong pumasok ulit sa showbiz pero hindi ko na kaya kasi nga mahina na ‘yung paa ko.
“Gustung-gusto ko pa talagang makapasok sa showbiz kasi gusto ko pang makatulong sa pamilya ko. Ipapaayos ko bahay ko, sira-sira na kasi,” ang umiiyak pa ring mensahe ni Mura.
The post Promise ni Mahal kay Mura: Kahit uugud-ugod na ako, ipapa-therapy pa rin kita appeared first on Bandera.
0 Comments