Petite Brokovich, Iya Mina at Negi
HINDI napigilan ng mga komedyanteng sina Petite Brokovich, Negi at Iya Mina ang maging emosyonal nang mapag-usapan ang tungkol sa sitwasyon ng kanilang mga pamilya ngayong panahon ng pandemya.
Kahit patuloy pa rin ang banta ng COVID-19 pandemic sa bansa, at kahit nalalagay sa peligro ang kanilang buhay, hindi tumitigil sa pagtatrabaho ang dalawang komedyante.
Pahayag ni Petite, nasa Bicol ang kanyang mga parents na siyang dahilan kaya ginagawa niya ang lahat para kumita ng pera sa gitna ng pandemya.
“Araw-araw kong pinagpi-pray kay God. Hindi ko kaya na mawala sila. Lalo na nu’ng nagka-pandemic, sabi ko huwag na kayong lumabas.
“Ako na ang gagawa ng paraan, ako ang lalabas for you. Ako ang bahala. Hanggang kaya ko. Hanggang may trabaho ako na maayos, susuportahan ko at mamahalin ko kayo habambuhay,” lahad ni Petite sa nakaraang episode ng “Magandang Buhay”.
Kuwento naman ni Iya, hindi rin siya pinatawad ng COVID dahil talagang pinahirapan din siya nito nang bonggang-bongga ngunit dahil din dito kaya mas minahal pa niya ang kanyang pamilya.
“Love language ko is regalo. ‘Yung makapagpatayo ako ng lupa at bahay na gustong-gusto nila dahil ilang taon din kaming nangungupahan sa probinsya.
“Pero dahil sa pandemya natigil ‘yung paghuhulog dahil nawalan ng trabaho, nawalan ng pangkabuhayan.
“Nagpapasalamat ako sa pamilya ko dahil naintindihan nila ako kung ano ang sitwasyon ko ngayon. Dahil sa pandemya na ito ang daming realizations na nangyari.
“‘Yung sa kanila mismo manggagaling na gusto ka lang naming marinig, makita sa video call kung okay ka ba diyan, kung may kinakain ka pa ba,'” paliwanag ni Iyah.
Patuloy pa niya, “Uwing-uwi na ako. Actually dumating na ako sa punto na ayaw ko na mag-arti-artista. Ayaw ko na mag-vlog, ayaw ko na mag-perform. Gusto ko na umuwi roon (Isabela) sa pamilya ko, gusto ko na sila makasama, sobra.”
Naiyak din si Negi nang magkuwento tungkol sa kanyang tatay at mas lalo pa siyang naging emosyonal nang pasalamatan siya ng kapatid at pamangkin.
“Masaya ako kasi lahat ng pamangkin ko ako ang nagpapaaral. Ako lahat. Hindi ko man palaging sinasabi na mahal ko kayo pero alam niyo ‘yan, sinasabi ko na hanggang kaya ko ay gagawin ko.
“Gusto ko kasi maging maayos ang buhay nila. Basta masaya ako. ‘Yun lang ang ano ko sa mga pamangkin ko sana huwag nila akong pabayaan pagtanda ko. Sana huwag nila akong pabayaan,” pakiusap pa ni Negi
The post Negi, Petite, Iyah Mina nagkaiyakan nang mapag-usapan ang pamilya; pinahirapan din ng pandemya appeared first on Bandera.
0 Comments