Sean de Guzman at Christian Bables
PURING-PURI ni Direk Joel Lamangan si Christian Bables na first time niyang makatrabaho dahil napakahusay nito at lahat ng pelikula ng aktor ay napanood niya.
“Si Christian wala nang problema kay Christian, napatunayan ng mahusay siyang artista at isa ako sa mga nakapanood ng halos lahat ng pelikulang ginawa niya.
“Isa ako sa nakaalam ng mga ginawa niyang pelikula at hindi ako nahirapan na idirek si Christian Bables pati ang pagbakla-bakla ay magagampanan niya dahil mahusay siya pati attitude,” diin ng direktor sa katatapos na zoom mediacon para sa “Bekis on The Run” produced ng Viva Films at mapapanood na sa Set. 17 sa Vivamax.
Partida pa, isang taon at kalahating hindi umarte si Christian kaya mahusay nga kung gayun. Inamin naman ng aktor na na-frustrate siya na hindi siya nakaarte dahil sa pandemya.
“Walang outlet kumbaga, ‘yung acting ko kasi kaya ko minahal kasi outlet ko ‘yun. Para akong gutom, uhaw kapag hindi ako nakakaarte, so sa one year and half pong nag-lockdown tayo walang offer, walang acting projects, medyo na-depress ng konti.
“Pero ayun nga, God moves in mysterious ways. Lahat po ng mga pelikulang gagawin ko ay na-postpone because of the pandemic, ang galing naman ni God dahil binigyan niya ako ng Your Face Sounds Familiar at na-discover na masaya rin palang kumanta at sumayaw, kaya ko rin pala, isa ‘yun sa mga nagsalba sa akin,” kuwento ng aktor.
Sa rami ng nagawang gay role ni Christian ay sa “Bekis on the Run” lang siya nagkaroon ng kissing scene sa kapwa lalaki bagay na ikinagulat ng marami dahil nga baklang-bakla ang role niya sa “Die Beautiful” at “Panti Sisters” kaya kinailangan naming panoorin ang dalawang pelikula nang mabilisan at oo nga, walang halikang nangyari.
Mayroon lang rape scene sa pelikulang pinagsamahan nila ni Paolo Ballesteros kung saan una siyang napansin.
Ang katwiran ng aktor kung bakit niya tinanggap ang role na may halikan sila ni Sean de Guzman, “First time kong gumawa ng mga ganitong klaseng eksena. Nabasa ko kasi ‘yung script at ‘yung ibang hiningi ni direk (Joel) ay wala sa script pero once na nakapasok ka na sa shoes ng character at kung saan man dalhin ng direktor ‘yung shift kumbaga sakyan mo yun, eh.
“So, somehow magiging ready ka, so as an actor medyo may gulat factor sa pinagawa ni direk pero sige lang dahil alam kong sa maganda niya kami dadalhin.
“I think hindi ko rin siya ibibigay (kissing scene) kung hindi si direk Joel Lamangan at kung hindi ‘yung mga direktor na pinagkakatiwalaan ko at isa si direk Joel doon,” paliwanag ng aktor.
Pero hindi itinanggi ni Christian na natakot siya nu’ng ginawa nila ang “Bekis on the Run” kahit fully vaccinated na lahat ng kasama sa buong pelikula.
“Natakot ako dahil first time kong lalabas ulit at the same time, napangibabawan ng excitement ‘yung takot plus ‘yung buong production na lahat nang pumunta roon ay safe, sumunod sa tamang protocol. Kaya ‘yung mga eksena namin ni Sean, hindi na (ako) nakaramdam ng takot, tiwala naman ako sa lahat,” pagtatapat ng aktor.
At dahil LGBTQ movie ito ay natanong kung posible bang magkagusto o ma-in-love sa bading si Christian.
“As for me I think no. Simply because my preference ay hindi po same sex. But I’m a proud ally to the community,” sagot ng aktor.
Napanood namin ang trailer ng “Bekis on the Run” at naaliw kami kay Diego Loyzaga bilang kapatid ni Christian na beki na tumakas kaya nabuo ang titulo.
Kasama rin si Kylie Verzosa sa pelikula bilang girlfriend ni Diego at si Lou Veloso na dahilan kung bakit napasok sa gulo ang mga bidang karakter.
The post Christian Bables imposibleng ma-in love sa bading: My preference ay hindi po same sex… appeared first on Bandera.
0 Comments