“Sobra na ito!”
Iyan ang galit na pahayag ni Senator Kiko Pangilinan matapos maghain sa Department of Justice ng dalawang reklamong cyberlibel laban sa mga echoserang YouTube vloggers na walang ginagawa kundi magpakalat ng intriga laban sa kanya at sa asawang si Sharon Cuneta.
“Limang taon na akong pinupuntirya ng fake news at tiniis natin ang lahat ng iyon. Pero ngayon, pamilya na natin ang inaatake,” ani Pangilinan sa panayam ng mga reporter nitong Biyernes.
“Kahit na sino palagay ko, kahit kayo pag pamilya nyo na, mga mahal n’yo ang hindi na binibigyan ng puwang lalabanan natin. Kaya tayo nandito,” sabi pa ng senador. “This is too much.”
Sinampahan niya ng reklamo ang mga YouTube vlogs na “Latest Chika” at “Starlet” dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 10175, o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Umaabot umano sa 82 videos sa dalawang vlogs ang natagpuan na defamatory ang laman laban sa pamilyang Pangilinan. Hindi pa natutukoy kung sino ang mga taong nasa likod ng vlogs.
Kabilang sa chismis na ipinapakalat ng mga vloggers ay ang diumano’y pagsasampa ni Sharon ng kaso laban kay Kiko dahil sa “pambubugbog” ng senador. Dati na itong pinabulaanan ni Megastar at sinabi pa nga niyang ang bilin ng kanyang namayapang ama ay “minsan lang ako saktan ng lalaki, iwan ko na agad.”
Kahit umano kay Gabby Concepcion, ang kanyang unang asawa, ay hindi siya nakatikim ng pisikal na panakit.
Isa pang chika na pinagpipistahan ng mga vloggers ay kung bakit daw nasa Amerika si Sharon. Buntis daw si Ate Shawie at ang ama ng kanyang dinadalang sanggol ay ang 26-anyos na si Marco Gumabao na nakatambal niya sa pelikulang “Revirginized.”
Napa-susmaryosep na lamang si Kiko sa intrigang ito. At wika nga ng 55-taong-gulang na si Sharon: “Nakalimutan nila na hindi na ako 30. Hahaha.”
Sinampahan din ng senador ng reklamo si Bernadette Nacario, country manager ng American tech giant na Google, na siyang may-ari ng video sharing site na YouTube.
“As the country manager, Nacario had the duty to oversee the day-to-day functions of the company. As such, she should’ve ensured that YouTube maintains to uphold its community guidelines,” ayon sa inihaing complaint ni Pangilinan.
Sinabi niya na inereklamo na niya ang 82 video sa Google Philippines dahil sa mga paglabag sa community standards pero wala umanong ginawang hakbang ang US tech giant.
Panawagan ng senador sa netizens na “maging mapanuri at huwag basta-basta maniniwala o magsi-share ng mga kasinungalingan dahil tao rin kami. Di ba tao rin ang aking misis, ang aking mga anak.”
“Pangalawa, sa mga social media platforms, gawan naman ninyo ng masusing kilos itong laganap na paninira at laganap na pagsisinungaling. I think they should do something. This is too much.”
The post YouTube vloggers na nang-iintriga kina Sharon at Kiko, sinampahan na ng reklamo appeared first on Bandera.
0 Comments