BINIGYAN din ng bonggang tribute ni Willie Revillame at ng buong production ng “Wowowin” ang first Pinoy Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz.
Itinuturing na ngayong bagong bayani ng sambayanang Filipino ang tinaguriang “weightlifting fairy” matapos wakasan ang halos 100 taong paghihintay ng bansa para makasungkit ng gold medal sa Olympic Games.
Si Hidilyn ang nagkampeon sa women’s 55 kg weightlifting event sa idinaraos ngayong Tokyo 2020 Olympics sa Japan.
Sa nakaraang episode ng “Wowowin” naghanda sina Willie ng pa-tribute para bigyang parangal ang historic win ni Hidilyn. Isang video ang ipinalabas ng programa na naglalaman ng mga kaganapan sa karera ng sikat na sikat ngayong weightlifter.
“Magbibigay tayo ng parangal o tribute natin siyempre sa first gold medalist sa ating Olympics na ginagawa ngayon sa Tokyo.
“Ito kasi, baka hindi n’yo alam ang nangyayari ‘yung iba mga busy, nag-iisip kung ano kakainin, magbigay tayo ng parangal at magbigay tayo po ng saludo sa isa po talagang naghihirap — ibig sabihin talaga po kanyang dedikasyon para makuha at ma-achieve niya ang ginto sa Olympics,” pahayag ng TV host.
Pagkatapos mapanood ang video, tagalang super clap si Willie at muling nagpasalamat sa kay Hidilyn sa karangalang ibinigay sa bansa sa gitna ng patuloy na paghihirap at pakikipaglaban ng mga Filipino sa COVID-19 pandemic.
“Nakakatayo ng balahibo, nakaka-proud isang kababayan natin na may pinagdadaanan din yan, ‘di ba?
“Alam ko nag-Facebook pa siya there was a time na kailangan-kailangan niya ng suporta, kailangan niya ng tulong, ayan!
“’Di ba ganoon talaga kapag may paghihirap ka sa buhay, pagkatapos ng paghihirap ‘yung ngiti mo, ngiti ng tagumpay. ‘Yung pagbuhat mo Hidilyn, binuhat mo ‘yung kung gaano kabigat ‘yan alam mo naman na medyo bagsak na bagsak tayong lahat, ‘di ba.
“Bagsak tayo dahil sa pandemyang ito, bagsak tayo dahil walang trabaho, bagsak tayo dahil ang bigat ng pinagdaraanan ng bawat Pilipino at ng mundo.
“Pero nu’ng binubuhat mo ‘yan, inangat mo ang bansang Pilipinas saan man sulok ng mundo,” sey pa ni Willie.
Samantala, patuloy pa rin ang pagdating ng mga bonggang regalo para kay Hidilyn at hindi na kami magtataka kung umabot pa sa P100 million ang maiuwi niyang premyo mula sa gobyerno, politiko at iba’t ibang pribadong kumpanya.
The post Willie kay Hidilyn: Bagsak na bagsak tayo, pero nu’ng binubuhat mo ‘yan, inangat mo ang Pilipinas! appeared first on Bandera.
0 Comments