Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

Unang pelikula na dinirek ni Alex de Rossi na “My Amanda”, nasa Netflix na

Halos lahat ng pelikula ni Alessandra de Rossi ay napanood namin. Lagi na lang kaming pinaiiyak dahil laging may kurot pero natatawa kami kasi may parteng nakakatawa. Itong si Alex, ginagawang luka-luka ang manonood kasi iyak-tawa kami.

 

Ganito ulit ang senaryo namin habang pinapanood ang latest movie nila ni Piolo Pascual na “My Amanda”. Si Alessandra mismo ang sumulat ng script at nag-direk, huh!  Wow, ibang level na talaga si Alex.

 

Simula nang mauso ang dalawang karakter sa pelikula na puro daldalan lang ay buryong na buryong kami kaya halos hilahin namin ang oras para mag-The End na. Ang iba naman ay nakakatulugan na namin at gigisingin na lang kami ng aming katabi dahil tapos na ang palabas.

 

Nasanay kaming manood sa malaking screen dahil gusto naming maramdaman ang bawat tunog na lalabas sa 7.1 dolby sound sa mga sinehan at ‘pag sa bahay naman ay ang tinatawag na 5.1 home theater dahil nakakagising talaga ito lalo na kapag action ang palabas.

 

Kaya namin ito nabanggit ay dahil sa laptop namin pinanood ang “My Amanda” at naglagay lang kami ng soundbar para mas lumakas nang konti ang audio. Baka kasi antukin kami dahil nga puro ito daldalan at dalawa lang ang karakter.

 

Wow! Hindi kami nakatulog o naburyong dahil tawa kami nang tawa sa kakulitan ng dalawa. Wala kasing ibang ginawa si Amanda kundi buwisitin si TJ (Piolo) na isa ring sutil. Gumaganti rin kasi siya sa dalaga na kung hindi siguro sila close, malamang nag-walk out na sa sobrang hiya nito.

 

Habang pinapanood namin ang My Amanda, nakikinita namin si Alessandra dahil siyang-siya ito na sobrang daldal. Ganito rin siya kapag may presscon kami, ang daldal at ang daming paliwanag. Medyo may konting pambabara kapag hindi niya type ang tanong dahil ibabalik niya ito sa nagtanong.

 

Si Piolo na makulit sa pelikula ay ganu’n din kapag nakakuwentuhan mo na, Tipong kapag kinukulit na siya sa lovelife niya, idadaan sa bungisngis at palusot tapos biglang magse-seryoso na.

 

Sigurado nga kayang may script ito o puro adlib lang ginawa nina Piolo at Alessandra?

 

Ang husay ni Alessandra sa pagsulat ng script at ang galing din ng pagkaka-direk niya, huh?  Ang linis-linis parang batikang direktor ang tumira?  E, kasi magagaling silang artista ni Piolo kaya maganda ang resulta.

 

At ang ilaw, ang galing naman kasi ng Director of Photography, si Sir Boy Yniguez!  Grabe, Alessandra! Ang galing ng support system mo.

 

Curious kami, bakit “Through the Fire” ni Chaka Khan ang napiling kanta na paulit-ulit na pinakikinggan at kinakanta ni Amanda?  Ano ang meaning?

 

Ang kuwento ay tungkol sa magkaibigang lalaki at babae na gustong patunayan na puwedeng mangyari na super close at alam na ang lahat tungkol sa isa’t-isa kahit hindi sila romantically involved.

 

Sa totoong buhay ay hango pala sa bestfriend ni Alessandra ang karakter ni TJ. ‘Yung dynamics nilang magkaibigan ang makikitang takbo ng kuwento sa pelikula na ginampanan ni Piolo.

 

Isa rin sa naging peg ng pelikula ay ang friendship nina Piolo at direk Joyce na laging magkasama na pati sa negosyo ay partners na rin.

 

Hindi na namin ikukuwento nang buo ang “My Amanda” dahil gusto rin naming mapanood ito ng lahat na kasalukuyang number one ngayon sa Netflix Philippines considering na nitong Hulyo 15 lang ipinalabas.

 

Sabi ng aktres ay ilang beses siyang na-ospital dahil sa stress nu’ng sinyut nila ang “My Amanda”. Siguro ngayon Nay happy na si Alex dahil bukod sa magaganda ang reviews ay sobrang bawing-bawi na nilang mga producer ang nagastos nila sa pelikula.

 

Bukod kasi sa Spring Films na binubuo nina Piolo, Bb Joyce at Erickson Raymundo ay co-producer din si Alessandra, ang ate at bayaw niyang sina Assunta de Rossie at Jules Ledesma.

 

Hirit namin kay Alessandra, puwedeng isa pa?

The post Unang pelikula na dinirek ni Alex de Rossi na “My Amanda”, nasa Netflix na appeared first on Bandera.

Post a Comment

0 Comments