Halos dalawang linggo na ang nakaraan nang pumanaw ang dating pangulong Benigno Aquino lll pero patuloy at walang tigil pa rin ang pagbuhos ng papuri sa kanya at sa kanyang dating pamahalaan.
Sa bawat araw may mga kwentong lumalabas tungkol kay PNoy nang ito ay nasa kapangyarihan pa. Mga kwentong hindi nailahad noong siya ay nabubuhay pa. Kwentong nagpapakita kung gaano siya nakatuon sa kanyang pagsilbi bilang Pangulo ng bansa.
Sa pagkamatay ni PNoy, marami sa atin ang nagising sa katotohanan kung anong klaseng pamahalaan mayroon tayo ngayon. Hindi maiwasan na ikumpara ang pamahalaang PNoy sa kasalukuyang pamahalaan. Marami ang namulat matapos maikumpara ang dalawang pamahalaan at pangulo at nagsasabi ngayon na mas mabuti ang pamahalaang PNoy kumpara sa pamahalaang Duterte sa usaping ekonomiya, pananalapi, foreign policy, diplomacy, infrastructure projects, human rights, food security, environment, housing projects, press at media, transparency at paglaban sa corruption, at lalong-lalo na ang democratic space ng sambayanan. Tunay ngang iba si PNoy kay Duterte.
Sa kamatayan ni PNoy, marami ngayon ang nagnanais na maibalik ang kagandahang-asal (decency), respeto at dignidad sa pagkapangulo (presidency) na tila nawala nang umupo sa kapangyarihan si Duterte.
Ang patuloy at paulit-ulit na paggunita at pag-alala ng mga tao sa mga magagandang ginawa ni PNoy, lalo na yung hindi nabigyan ng pansin at nasabi ng ito ay nabubuhay pa, ay lalong nagpapalakas sa hangarin ng marami na magkaroon ng pagbabago sa 2022. Kaakbay nito ay ang maibalik ang good governance, rule of law, transparency at accountability sa pamahalaan. Mga bagay na hindi napunuan ng pamahalaang Duterte. Mga bagay kung saan mahina at naging kapintasan ni Duterte.
Hindi magandang senyales ito para kay Pangulong Duterte at sa kanyang mga kaalyadong politiko sa darating na May 2022 national election. Kung magtutuloy ang ganitong pagbuhos ng damdamin at pakikiramay para kay PNoy, hindi mananalo ang manok ni Duterte, o kung sino man ang kanyang “anointed one”, o kung sino man ang konektado dito, sa 2022 presidential at vice-presidential election. Magiging “kiss of death” ang sino mang iindorso nito sa pagkapangulo. Pati na ang kanyang sinasabing sariling kandidatura bilang vice-president ay apektado rin. Katulad ng Duterte-Duterte tandem sa 2022, ang pagtakbo ni Duterte bilang vice-president sa 2022 ay hindi katangap-tanggap sa tao. Ito ay labag sa moralidad at rason.
Katulad ng ating unang naisulat, kailangan na kailangan ni Duterte ng isang kaalyadong pangulo sa 2022, hindi lamang upang ituloy ang kanyang mga programa ngunit higit sa lahat upang tiyakin ang kanyang kaligtasan at kalayaan. Isang kaalyadong pangulo ang magtitiyak sa kanya na kikilalanin ang kanyang karapatan ayon sa batas, laban sa mga inaasahang reklamo o habla tungkol sa kanyang pinairal na “war on drugs” hidden wealth at corruption.
Tulad din ni Duterte, ang pagdami at patuloy na paglabas ng suporta sa yumaong PNoy ay makakaapekto rin sa China. Nasa kamay ng susunod na pangulo kung ano ang magiging patakaran natin sa West Philippine Sea kontra sa patuloy na paglalapastangan ng ating soberanya at walang tigil na pananakop ng ating mga teritoryo ng China.
Gugustuhin ng China na maihalal at mailagay sa pagkapangulo ang “anointed one” o kaalyado ni Duterte sa 2022. Ito ay magbibigay katiyakan sa kanila ng patuloy na “appeasement policy” na pinaiiral ni Duterte sa isyung West Philippine Sea. Bagay na hindi mangyayari kung ang maihahalal ay isang kandidatong may prinsipyo at adhikain tulad ni PNoy.
Magiging malaking usapin at issue ang West Philippine Sea sa 2022 election. Mahihirapan ang manok o “anointed one” ni Duterte, o sino mang kandidato na konektado dito, na magpaliwanag sa taong-bayan sa isyung ito.
Si Duterte ay solidong pro-China. Imbes na gamitin ang desisyon ng UN Arbitral Tribunal, isinulong nito ang “appeasement policy” sa usaping West Philippine Sea. Si Duterte ay literal na kabaliktaran ni PNoy sa usaping ito. Ipinagtanggol ni PNoy ang soberanya at teritoryo ng bansa laban sa China. Mistulang naman isinuko ni Duterte ang ating soberanya at teritoryo sa China.
Dahil sa maselang usaping West Philippine Sea, hindi natin alam kung hanggang saan ang gagawin ng China upang matiyak na ang mahahalal na susunod na pangulo sa 2022 ay kaalyado ni Duterte at hindi tatak PNoy.
The post Si PNoy, Duterte at ang China sa 2022 appeared first on Bandera.
0 Comments