Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

Si Hidilyn Diaz at ang SONA ni Duterte

“Napakaswerte ng Pilipinas ngayon araw na ito. Naka-gold medal si Hidilyn Diaz sa Olympic at huling SONA na ni Duterte”

Ito ang pabirong sinabi sa atin ng isang kaibigan noong Lunes matapos manalo si Diaz ng gold medal sa Tokyo Olympics at magbigay naman ng huling SONA ang Pangulong Duterte.

Matatandaan na noong 2019, isinangkot ng Malacañang si Diaz sa “ouster plot matrix” na naglalayon diumano na patalsikin si Duterte sa pwesto.

Bago magdiwang ang buong sambayan sa pagkapanalo ni Diaz noong Lunes, nagbigay naman ng kanyang huling SONA si Duterte.

Walang bago. Malayo sa katotohanan. Isang buod o summary lang ng mga naunang sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang regular weekly-late-night public address. Hindi naaayon sa layunin ng constitution o ng kanyang Informing Power. Ito ang ating pananaw sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Duterte noong Lunes.

Ang layunin ng taunang SONA ay para ipaalam ng Pangulo sa Kongreso ang kanyang mga programa o nais gawin o mangyari na kinakailangan ng pagpasa o pagbago ng batas. Ito ang magiging gabay ng Kongreso kung ano ang mga batas na dapat ipasa o baguhin.

Sa SONA, ipinaaalam din ng Pangulo sa Kongreso at sambayanan ang tunay na kalagayan ng bansa tungkol sa ating ekonomiya, pananalapi, ugnayan panlabas kalagayan panlipunan at mahahalagang bagay gaya ng ating suliranin tungkol sa pandemya.

Ngunit ang huling SONA ni Duterte ay nagmukang isang mahabang buod o summary lang ng mga paulit-ulit niyang sinasabi sa kanyang regular weekly-late-night public address mula ng nag-umpisa ang pandemya. Gaya ng mga sumusunod:

• Na may utang na loob tayo sa China dahil nag-donate ito ng 1.5 million doses na vaccines. Pero hindi niya sinabi na bumili at binayaran natin ang halos 16 million doses na vaccines na gawa sa China. Halos nabawi o baka kumita pa ang China sa dami ng binili natin na vaccines na gawa sa kanila. Matatandaan na mistulang pinilit sa atin ni Duterte ang vaccine na gawa sa China maski mahina ang efficacy rate nito kumpara sa iba;

• Na walang silbi ang desisyon ng UN Arbitral Tribunal tungkol sa West Philiipine Sea (WPS) at hindi tayo handang makipagdigmaan laban sa China. Hindi natin hinihingi sa kanya na tayo ay makipagdigmaan sa China. Ang ating sinasabi ay bilang pangulo ng bansa, tumindig, magsalita at ipaglaban niya ang ating karapatan at interest sa WPS. Nagawa ito ng ibang bansa na hindi nakikipagdigmaan sa China pero bakit hindi natin ito magawa. Naging parang tagapagsalita at tagapagtanggol ng China si Duterte pagdating sa usaping WPS;

• Na patuloy pa rin ang problema sa pinagbabawal na gamot (drugs) dahil may mga sangkot na police at ilang kawani at opisyal ng Bureau of Customs. Marami ng pagdinig at imbestigasyon ang ginawa tungkol dito pero mukha namang hindi seryoso si Duterte na parusahan ang kanyang mga kaibigan na nasangkot dito;

• Na hindi nagbayad ng tamang buwis ang pinasarang ABS-CBN. Sinabi na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na walang utang at bayad naman ang mga buwis ng nasabing network. Bakit ba hanggang ngayon ay galit na galit pa rin ang Pangulo sa ABS-CBN?

• Na ibaba ang martial law para mapigilan ang corruption. Bilang abogado at pangulo ng bansa, alam dapat ni Duterte na hindi maaaring maging basehan ang laganap na corruption at upang mapigilan ito para ideklara ang martial law;

• Na kailangang lagyan muli (replenish) ng artificial sand ang mala-artificial beach sa Manila Bay dahil nasira ito. Marami na ang bumatikos dito pati na ang mga environmentalist. Madami na rin ang nagsabi at nagpabala na masisira at masisira ulit ito dahil sa mga malalakas na ulan at bagyo. Sayang ang pera ng taong bayan. Dapat ay ginamit na lang ang salapi para matulungan ang ating mga naghihikaos na kababayan.

Ang mga ganitong usapin ay hindi na dapat naisama sa SONA. Ilang ulit na itong nabanggit ni Duterte. Ilang beses na itong napag-usapan. Ang ilan dito ay malayo rin sa katotohanan.

Ang hinihintay at gustong marinig ng Kongreso ay kung ano ang mga programa at plano ng Pangulo tungkol sa pandemya. Plano na makakatulong sa taong bayan sa ganitong panahon. Kailangan nila ito upang makagawa o mabago at maipasa ang batas na maaaring sumuporta sa mga plano at programang ito.

Totoo na sinabi at hiniling ni Duterte sa SONA ang pagpasa ng ilang batas ngunit maliban sa pagpasa ng batas tungkol sa Philippine Center for Disease Prevention Control at virology institute, wala itong koneksyon sa umiiral na pandemya. Walang batas na nabanggit upang matulungan o maibsan man lamang ang paghihirap ng mga taong naapektohan ng pandemya.

Hindi rin ito ang gustong marinig ng mga tao kay Duterte sa SONA.

Kasama tayo sa naghihintay noong Lunes na sabihin ng Pangulo ang tungkol sa hinaharap nating pandemya. Ano na ang kalagayan ng pandemya sa ating bansa? Ano ang ating plano upang maiwasan ang paglaganap ng delta variant? Papaano malulutas ang kakulangan ng vaccine? Papaano mapapabilis ang pagbakuna? Ano ang plano para matulungan o maibsan man lamang ang financial na paghihirap ng tao sa panahon ngayon ng pandemya? Ito ang hinihintay ng taong bayan na marinig kay Duterte.

The post Si Hidilyn Diaz at ang SONA ni Duterte appeared first on Bandera.

Post a Comment

0 Comments