NAGHANDOG kamakailan ang ABS-CBN ng bagong “Kapamilya Forever” music video kasama ang ilan sa pinakamalalaking pangalan sa industriya upang pasalamatan ang mga patuloy na nagtitiwala at sumusuporta sa network.
Tampok sa video ang remix ng awiting “Kapamilya Forever” na unang ipinarinig sa “ASAP Natin ‘To” noong nakaraang Linggo, kung saan nagsama-sama ang maraming Kapamilya stars isang taon mula nang nawala sa ere ang ABS-CBN at hindi binigyan ng bagong prangkisa.
Ilan sa mga nag-perform at nakilahok sa music video ay sina Asia’s Songbird Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Divine Diva Zsa Zsa Padilla, Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Gary Valenciano, Vice Ganda at marami pang iba.
Kabilang sa bagong lyrics ng kanta ang “Andito Kami Para Sa ‘Yo” at “Andito Kami Dahil Sa Inyo” na nagsasabing patuloy na paglilingkuran ng ABS-CBN ang mga Pilipino sa mga bagong pamamaraan at plataporma.
Nakakapagbigay pa rin ang ABS-CBN ng suporta, liwanag, at ligaya sa pamamagitan ng news, entertainment, pelikula, at musika na natatangkilik dito sa Pilipinas at sa buong mundo sa free TV, cable, online, at mga streaming platform.
Napapanood na rin ang ibang palabas nito sa buong bansa gamit ang anumang digital TV box tulad ng TVplus box sa pamamagitan ng TV5, at sa Metro Manila at malalapit na probinsya sa cable sa tulong naman ng A2Z.
Naantig naman ang netizens sa mensahe at himig ng awitin at kanilang ibinahagi ang mga saloobin online. Sa Facebook, sabi ng netizen na si Pia Arriola, “Ang sarap tlga maging Kapamilya hndi nawala ang mga palabas thank u abs at mga boss gumagawa po tlga kau ng paraan sana po 1day bumalik n ung saya ng mga asa probinsya.”
Pagbibida naman ng netizen Mark Angelo Calpe sa YouTube, “Forever Kapamilya! Since birth ABS-CBN na kami (30 years) Never bumitaw at iniwan! SOLID KAPAMILYA.”
Kinuwento rin ni @04kitsim sa Twitter ang reaksyon niya sa performance ng Kapamilya artists sa “ASAP Natin ‘To”, “I cried sobrang nakakatouch ng mga songs and very inspiring. Thank you sa mga #Kapamilya na nag stay. #ASAPKapamilyaForever #KapamilyaForever.”
Unang inilabas ang “Kapamilya Forever” noong Mayo, 2020, ilang linggo matapos mawala sa ere ang ABS-CBN sa TV at radyo. Gawa nina Thyro Alfaro at Tiny Corpuz ang musika ng “Kapamilya Forever,” habang sina ABS-CBN Creative Communications Management division head Robert Labayen, Patrick De Leon, at Lloyd Corpuz ang sumulat ng mga salita.
Si Angelo Anilao ang unang kumanta nito habang may sariling bersyon din tampok ang maraming Kapamilya artists. Para sa 2021 version, si Robert ang sumulat ng bagong lyrics habang si Thyro rin ang nag-areglo ng musika.
Mapapanood pa rin ang “Kapamilya Forever” music video sa ABS-CBN Entertainment Facebook page at YouTube channel.
The post Regine, Ogie, Gary, Vice, KathNiel sama-sama para sa ‘Kapamilya Forever’ music video appeared first on Bandera.
0 Comments