Masyadong marami ngayon ang mga eksperto sa COVID-19 lalo na sa Delta variant. Maraming nagmamarunong , nananakot, at para bang ayaw na nilang maging normal ang mga tao. Wala pa sa 40 ang kumpirmadong Delta variant sa atin, magiging Indonesia na raw tayo.
Dito sa Metro Manila plus, bumaba nitong nakaraang mga buwan ang ating mga kaso at namamatay dahil tumpak ang direksyon ng gobyerno. Unang binakunahan ang mga matatanda , mga maysakit at matataba dito sa NCR na siya namang pinapatay ng COVID-19. Ang mga “vulnerable” na ito ang nanghahawa sa pamilya at pagkatapos ay sila rin ang namamatay. Iyong mga mas bata, malusog at walang sakit na tinatamaan ay parang nagdahilan lamang at gumagaling. Lalong hindi naman tinatablan ang mga bata,wag lamang yung mga mahihina at maysakit.
Kaya naman, dito sa Metro Manila, bumaba ng husto ang COVID-19. Yung mga nagsasabi na kailangan daw ang “herd immunity” o bakunahan ang 70 percent ng mamamayan o 77 milyong Pilipino ay mga nagmamarunong. Bukod sa wala tayong sapat na pera, hindi natin hawak ang “supply” ng bakuna sa mundo.
Tanging ang United Kingdom lamang ang nasa 69 Percent ng kanilang mamamayan ang “fully vaccinated”, dahil sila ang manufacturer ng Pfizer-Biontech. Nanood ba kayo ng Wimbledon , kung saan siksikan ang mga tao , pero nagkaroon ba ng super-spreader event? Wala po, ganoon pa rin ang kanilang new cases. Doon din sa UK, ang active cases ay 1,014,242 na karamihan ay Delta Variant pero ang namamatay sa kanila sa isang araw ay 73 katao lamang.
Nanood ba kayo ng NBA championships ng Milwaukee Bucks at Phoenix Suns sa Amerika, siksikan sa loob at labas ng mga coliseums. Pero nagkaroon ba ng superspreader event? Kahapon, merong 5,062,265 active cases at 83 percent nito ay Delta variant o 4,201,679 katao. Doon, 49 percent lamang ang “fully vaccinated”. Pero, tingnan ang mga namamatay sa isang araw, ito’y 416 katao lamang. Ano ang ibig sabihin nito? Tamaan ka man ng Delta variant, kung bakunado ka ay hindi ka mamamatay.
Dito sa Southeast Asia, tinalo tayo ng Indonesia, Malaysia, Thailand, Myanmar , Vietnam sa mga active at new COVID-19 cases kahit marami sa kanilang mamamayan ay doble-bakuna na. Ang Indonesia na sentro ngayon ng Delta variant ay 6.1 percent ng tao ay “fully vaccinated”. Mas matindi ang Malaysia na 15.4 percent na ang naka-double-dose. Ang Thailand meron nang 5.1 percent na doble-bakuna samantalang tayo sa Pilipinas ay meron lamang 4.7 percent ang “fully vaccinated”. Mas mababa sa atin ang Myanmar (Burma) na merong 2.8 percent , at Vietnam na halos 0.3 percent lamang ng kanilang populasyon ang bakunado.
Kaya naman ang tanong, bakit mataas pa rin ang Delta variant sa Indonesia , Malaysia at Thailand na mas marami ang “fully vaccinated”? Bakit mataas din sa Myanmar at Vietnam? Kung titingnan muli ang mga araw-araw na namamatay sa naturang mga bansa halimbawa kahapon, Indonesia-1,383, Malaysia-199, Thailand-108 samantalang ang Pilipinas ay 32 lamang.
Ibig sabihin, hindi paramihan ng mga doble-bakuna ang labanan. Maraming nagmamarunong, pero naniniwala ang mga eksperto na mababa ang ating mga new cases at namamatay dahil inuna natin lahat ng matatanda, maysakit at mga matataba dito sa Metro Manila. Ito ang tamang-tamang direksyon na dapat gawin sa mga lalawigan at lungsod.
Ang nangyari sa Indonesia, Malaysia at Thailand, ayon sa ilang eksperto, ay “sabog” at hindi “targetted” ang kanilang mga binabakunahan. Ang mga unang namamatay doon ay ang kanilang mga “vulnerables”.
Pero dito sa atin, may nagsasabing pati mga bata, binata, dalaga ay kailangan dawn a bakunahan. Oo, kailangan nila yan, pero hindi sila priority ngayon.
Sana matuto tayong lahat!
The post Protektahan ang mga matatanda, maysakit, matataba vs ‘Delta variant’ appeared first on Bandera.
0 Comments