FINALLY, mapapanood na sina Jerald Napoles at Kim Molina sa isang seryosong pelikula na “Ikaw at Ako at ang Ending” mula sa direksyon ni Irene Emma Villamor na mapapanood sa Vivamax sa Agosto 13.
Halos lahat kasi ng pelikulang nagawa ng mag-dyowa ay puro comedy so medyo may sawa factor kahit na iba-iba naman ang kuwento at mahusay talaga sila. Walang kuwestiyon doon.
At bilang mga mahuhusay na artista ay naghahanap din kami o ang mga manonood ng ibang flavor o genre na kaya pang gawin ng KimJe.
Bago ang virtual mediacon ay naka-usap namin ang manager ni direk Irene na si Erickson Raymundo ng Cornerstone Entertainment. Ibinibida niya sa amin itong “Ikaw at Ako at ang Ending” dahil ibang Kim at Jerald ang mapapanood.
Hirit pa nga namin, “Anong bago? Ulit-ulit lang?”
“Basta panoorin mo, maganda, alam mo naman si Irene ‘pag gumawa at saka siya nagsulat,” sabi pa sa amin ng CEO at Presidente ng Cornerstone.
Sakto nga napanood namin ang trailer, oo nga, ito ‘yun, eh! Ito ‘yung hinahanap namin na kakaiba. Partners in crime sila, may mga illegal na gawain? So mala-Bonnie and Clyde ito?
Kaya natanong namin si direk Irene kung ang famous American film nina Warren Beatty at Faye Dunaway na ipinalabas noong 1967 ang peg ng “Ikaw at Ako at ang Ending”.
“Oo nga may mga nakita akong comment, sobrang taas naman ng Bonnie and Clyde pero kung ma-achieve man lang namin ‘yung 10% na ganu’n masarap. Pero dahil tungkol ito sa dalawang taong pagkatapos ng mundo, parang may ganu’n nga,” pag-amin ni direk Irene.
Ikalawang pelikula na ni Kim kay direk Irene at nauna ang blockbuster film noong 2016 na “Camp Sawi”. Pagkalipas ng limang taon, ano nga ba ang nabago sa aktres mula nang maidirek siya ng nasabing direktora?
“’Yung nabago kay Kim siguro confidence and ‘yung pagiging woman niya as a person at kung paano nagta-translate sa screen, so maganda ‘yung ibinigay sa kanya ng pagiging 30 (gulang). Very importante sa isang artista, so ‘yung confidence, parang ano na siya ngayon, woman na siya,” balik-tanaw ni direk Irene.
Anyway, ang “Ikaw at Ako at ang Ending” ay tungkol sa dalawang estranghero na pinagtagpo sa hindi inaasahang oras kung saan kapwa sinusubukang takasan ang kanilang mga miserableng reyalidad.
Nag-premiere sa YouTube ang teaser trailer ng pelikula noong Hulyo 11 at siksik ito ng takbuhan, car chasing, at maiinit na love scenes ni Kim at Jerald. Mukhang puno ng suspense at aksyon ang pelikula.
Ngunit dahil ito ay pelikulang gawa ni Direk Irene, siguradong marami pang sorpresa ang mapapanood sa pelikula. Siguradong madami din ang masosorpresa sa kakaibang Kim at Jerald na mapapanood sa pelikulang ito, dahil ibang klase ng pag-arte ang kanilang ipapakita bukod sa kanilang pagpapatawa, kung saan mas kilala sila.
Kaya abangan ang pelikula sa Agosto 13 globally sa ktx.ph, iWant TFC, TFC IPTV at sa VIVAMAX.
The post Jerald Napoles at Kim Molina, muling bibida sa pelikula appeared first on Bandera.
0 Comments