PINURI ng mga nakapanood ng digital film na “Tenement 66” ang Kapamilya youngstar na si Francine Diaz dahil sa ipinakita nitong akting sa pelikula.
Ibang-ibang Francine raw ang nasaksihan nila sa movie kesa sa mga naging role niya noon sa seryeng “Kadenang Ginto” at ngayon nga sa “Huwag Kang Mangamba”.
Aminado naman si Francine na ang karakter niya bilang Lea sa “Tenement 66” na idinirek ni Rae Red ang pinaka-challenging role na nagawa niya mula nang magsimula siya sa showbiz.
“Ang dami kasi nasanay ako kay Cassie na talagang mahiyain siya, tahimik lang tapos yung character ko dito na si Lea maangas siya na may pagkasiga.
“Yung mga ginawa ko para sa kanya, nanood ako ng mga movies kung saan ako makakakuha ng ugali ng isang character na puwede kong magawa kay Lea.
“Isa yung sa mga challenge sa akin pero nakakatuwa na mabigay sa akin yung ganitong character kasi na-explore ko yung sarili ko and of course sa pag-acting ko. Masasabi ko naman na nabigyan ko ng justice kasi I gave my best,” pahayag ng dalagita.
Ito rin ang first project na ginawa niya na hindi ka-join ang mga kasama niya sa The Gold Squad na sina Andrea Brillantes, Kyle Echarri, at Seth Fedelin. Ang kasama niya rito ay sina Francis Magundayao at Noel Comia.
“Yes ito yung first time na meron akong project na hindi ko kasama yung tatlo. Ganu’n pa rin kahit meron kaming mga solo projects siyempre squad pa rin naman kami.
“Dito at first nakakapanibago pero habang tumatagal nakakatuwa kasi nagkaroon ako ng bagong friends and of course bagong environment din yung set, yung staff, lahat,” kuwento ni Francine.
In fairness, hindi pa man ipinalalabas sa iWantTFC ang “Tenement 66” ay napili na ito bilang isa sa mga entry para sa Bucheon International Fantastic Film Festival (BIFAN), under the Bucheon Choice category.
“Sobra akong kinabahan nu’n na tuwang-tuwa na kinukurot ko pa yung sarili ko kasi baka nananaginip ako. Never kong in-expect na mapapasama kami sa isang film festival tapos sa Korea pa.
“Hindi ako makapaniwala nu’ng una kasi baka mamaya nananaginip ako or pina-prank ako, ganyan. Tapos nu’ng mismong yung manager ko na nagsabi na kasali kami tapos Korea, sabi ko totoo nga siya.
“Du’n ko naramdaman yung kaba. Nauna naman yung excitement. Malaking blessing ito sa aming lahat,” aniya pa.
Kung wala nga raw pandemya ay nakapunta sana si Francine sa Korea para um-attend sa nasabing film festival na ginanap mula July 8 hanggang 21.
“Siyempre naman. Kung walang pandemic ngayon nagko-Korean Korean na ako sa ibang bansa! Nakakatuwa siguro kung wala talaga yung COVID ngayon, mas naririnig ko yung dami ng tao, yung cheer nila and of course yung mga Filipino supporters natin,” lahad pa ni Francine.
The post Francine Diaz nabigyan ng hustisya ang pagiging babaeng maangas at siga appeared first on Bandera.
0 Comments