PROUD na proud na ibinandera ng dating komedyana na si Jinky Oda ang natagpuang bagong career sa Amerika.
Sa mga hindi pa nakakakilala kay Jinky, lalo na sa mga kabataan ngayon, sumikat siya bilang comedienne noong usung-uso pa ang mga comedy show at sitcom sa telebisyon pati na sa pelikula.
Isa sa mga tumatak sa manonood na karakter na ginampanan niya noon ay si Bale sa fantasy-sitcom na “Okay Ka, Fairy Ko!” na pinagbidahan ni Bossing Vic Sotto.
At ngayon nga ay masayang ibinalita ni Jinky na apat na taon na siyang naninirahan sa Amerika at isa na rin siyang ganap na security personnel doon.
Nakasama ang dating aktres sa latest vlog nina Rufa Mae Quinto at LJ Moreno na “The Wander Mamas” kung saan inikot nga nila ang ilang magagandang lugar sa California.
Dito ikinuwento nga ni Jinky kung paano siya napadpad bigla sa US. Aniya, sumagi sa isip niya ang idea na manirahan sa Amerika nang tanungin daw siya ng kanyang anak kung nai-imagine niya ang sarili na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Aminado si Jinky na noong unang taon niya roon ay hindi pa talaga niya naiisip na tuluyang iwan ang Pilipinas ngunit makalipas ang apat na taon ay kumbinsido na siyang sa US na talaga minirahan.
“First year ko dito the whole year culture shock siya. Kasi walang tao. Nasa’n ang tao? Kapitbahay mo nga, di mo kilala. Walang tao, walang kausap,” simulang kuwento ni Jinky.
Unang trabaho raw niya roon ay ang pagiging isang caregiver dahil na rin sa tulong ng kanyang kapatid na isang nurse.
“Dahil wala pa nga akong papers at that time, parang ano lang ako, on-call caregiver. Pag walang caregiver na pumapasok, ako yung parang nagfi-fill in. OK naman. Kesa naman sa nganga,” aniya pa.
Hanggang sa may makilala siyang isang security guard doon na siyang nagpasok sa kanya sa bagong trabaho.
“Meron akong nakilalang guy na local security guard. Lumapit lang siya sa akin. Siyempre, to be polite, ngumiti lang ako.
“Biglang lumapit, nagpakilala. To make the long story short, siya nagpasok sa akin sa security field,” sabi ni Jinky. Pero aniya, wala raw siyang bitbit na baril kapag naka-duty.
Miss na miss na rin daw niya ang Pilipinas, pero kung sakaling bumalik siya sa bansa, ang mga kaibigan na lang daw niya ang kanyang babalikan dahil nasa Amerika na rin ang kanyang pamilya.
“Maganda yung trabaho ko. Ito na ang magiging buhay ko for the rest of my life. Kailangan i-accept,” pahayag pa ni Jinky.
The post Dating komedyanang si Jinky Oda proud security personnel sa US: Ito na ang buhay ko… appeared first on Bandera.
0 Comments