NANG masilayan ni Cristine Reyes ang anak niyang si Amarah Khatibi ang hinding-hindi niya malilimutang “encounter” sa kanyang buhay.
Yan ang pahayag ni AA (palayaw ng aktres) sa face-to-face presscon ng TV series nila ni Diego Loyzaga, ang Pinoy version ng Korean drama na “Encounter” na ginanap kanina sa Botejyu Capitol Commons, Pasig City.
“’Yung moment na Amarah came out in this world and she held on the scissor of our doctor tightly so, wow she’s born. So, ‘yun ang most unforgettable moment sa akin,” balik-alala ng aktres.
At ngayong five years old na ang anak ay marami nang nadidiskubre si Cristine sa bata dahil siya ang idolo nito at lahat ng ginagawa niya ay ginagaya ng bagets.
Kaya naman lahat ng nakasanayan niyang gawin noong dalaga pa siya tulad ng panonood ng pelikula sa mahabang oras na nakahilata lang sa couch ay hindi na niya ginagawa dahil nga gusto niyang maging role model kay Amarah.
Samantala, sa kuwento ng “Encounter” ay mas matanda ng 10 years ang karakter ni Cristine na si Selene kay Diego bilang si Gino na nagkagustuhan nga sa kuwento.
Kaya sa tanong kung posible bang mangyari ang kuwento ng serye nila sa totoong buhay (magkagusto ang aktres sa mas bata sa kanya), natawa muna si AA bago sumagot, “Would I? I think, I can’t lie okay sige yes!”
Sa totoong buhay ay pitong taon ang tanda ni Cristine kay Diego kaya paano niya in-adjust ang sarili sa mga eksena nila sa serye.
“Nag-adjust a little bit and then naging swak na rin right away, not really that long. Kasi ‘yung mga una naming taping super light it was located in Ilocos so, everything was beautiful.
“‘Yung place and ‘yung mga eksena namin, iyon ‘yung mga moments namin na puro kilig lang kaming dalawa ni Diego. So ‘yun ‘yung mga namamasyal kami habang nagwo-work,” balik-tanaw ng aktres.
Samantala, inamin ni AA na nahirapan silang i-shoot ang serye at may pressure rin sa buong production dahil sa bawa’t matatapos na eksena ay ipinadadala agad sa Korea para mapanood ito ng namamahala roon.
At kapag hindi nila ito nagustuhan ay kailangang i-reshoot, mabuti na lang daw at aprub ang lahat ng ginawa ng kanilang direktor na si Jeffrey Jeturian.
Sa kuwento, gumaganap si Cristine bilang si Selene Cristobal na retiradong aktres at humiwalay na sa asawa (Ivan Padilla) at pumayag na ang kapalit ng hiwalayan ay ang hotel na pagmamay-ari ng pamilya ng lalaki.
Sa ilalim ng kanyang pamamahala, muling nakabangon ang Hotel d’Trevi. Nagkaroon ng kakayanan si Selene na bumili pa ng ilang properties.
Isang business trip ang magdadala sa kanya sa Ilocos Norte, at doon makikilala niya ang isang binatang muling magpapatibok ng kanyang puso, si Gino Hilario (Diego), isang Engineering graduate.
Habang hinihintay ang kanyang dream job, nagpasya itong maglibot muna sa Ilocos Norte. Mahilig siya sa art at photography pero hindi sa mga pelikula at mga artista, kaya hindi niya kilala si Selene.
Para sa kanya, isa lamang itong babaeng nangangailangan ng tulong nang una niya itong makita at dito na nagsimula ang kanilang encounter na tinututulan ng mga taong nasa paligid nila.
Mapapanood na ang “Encounter” simula sa Enero 23 sa Vivamax at maaari ring mai-download ang app at mag-subscribe sa Google Play Store at App Store.
Mapapanood din ito sa Vivamax Middle East. Sa ating mga kababayan sa UAE, Saudi Arabia, Kuwait, Oman, Bahrain, at Qatar, watch all you can na for only AED35/month. Sa Europe, makakapanood na sa Vivamax sa halagang 8 GBP kada buwan. Vivamax, atin ‘to! Sa TV5, tuloy ang “Encounter” tuwing Sabado, 9 ng gabi. Ito ay mula sa Viva Entertainment.
The post Cristine binago ang lifestyle para sa anak: Gusto kong maging role model ako sa kanya appeared first on Bandera.
0 Comments