KA-CHAT namin nitong Linggo ng gabi si Mommy Bebs Concepcion tungkol sa nalalapit na kasal ng kanyang bunso at nag-iisang anak na babae na si Yam Concepcion.
Hindi raw makakadalo sa kasal ng anak si Mommy Bebs dahil sa COVID-19 restrictions bukod pa sa wala pa rin siyang bakuna.
Aniya, “Civil muna ang kasal nila ro’n tapos dito sa Pilipinas naman ang church wedding.”
Sa Manhattan, New York City ikakasal si Yam at ang fiancé niyang si Miguel CuUnjieng bago magkatapusan ngayon buwan ng Hulyo pagkatapos ng anim na taon nilang LDR o long distance relationship.
Dadaluhan ito ng malalapit na kaibigan at kaanak ng dalawa na kasalukuyang nasa Amerika na rin.
Sa tanong namin sa mommy ni Yam kung kailan ang church wedding, “Hindi pa alam depende sa situation (COVID-19 pandemic). Pero dito sa Pinas ang church wedding nila,” panigurado niya sa amin.
Matatandaang nitong Mayo, 2021 ay lumipad patungong New York City, USA si Yam kasama ang kanyang fur baby na si Tiny na isang Chihuahua dahil magtatagal doon ang aktres.
Inamin din ni Yam na physical touch ang kanyang love language kay Miguel kaya sa tuwing may chance na puwede siyang lumipad pa-Amerika ay ginagawa niya para mapanatili niyang malapit sila sa isa’t isa ng fiance.
Sa kasalukuyan ay may ilang dokumento pang inaayos si Yam para sa nalalapit nilang civil wedding ni Miguel na isang dual citizen.
At sa tanong namin sa ina ng aktres kung iiwanan na nito ang showbiz, “Hindi naman, uuwi rin siya, depende sa project pag gusto niya. Supportive naman si Miguel sa kanya, okay lang sa kanya na ituloy ni Yam ang showbiz,” pahayag sa amin.
Ito rin halos ang sinabi ni Yam sa panayam niya kay “TV Patrol” reporter, MJ Felipe na wala rin sa plano niya ang manatili sa Amerika nang matagal.
Kasalukuyan pa ring umeere ang teleseryeng “Init sa Magdamag” sa A2Z, TV5 at Kapamilya online na napapanood daw ni Yam sa Amerika at aminadong masaya siya sa magagandang reviews na nababasa niya online.
Sabi nga namin kay Mommy Bebs kung kailan ang galing-galing na ni Yam umarte at pangbida na siya ay saka nabago ang kanyang prayoridad. Tanging smile emoji lang ang sagot niya sa amin.
The post Civil wedding nina Yam at Miguel sa US wala nang atrasan; plano ring magpakasal uli sa Pinas appeared first on Bandera.
0 Comments