ALL-OUT ang pagsuporta ng mag-asawang Sen. Manny at Jinkee Pacquiao sa pagpasok sa mundo ng showbiz ng kanilang dalawang anak na lalaki.
Ayon sa Pambansang Kamao, never nilang pinigilan o pinagbawalan ni Jinkee sina Michael at Jimuel Pacquiao na mag-artista dahil naniniwala siya na karapatan ng mga ito na gawin kung ano ang makapagpapasaya sa kanila.
Sa nakaraang digital presscon ng libreng benefit concert na “Isang Tinig, Isang Lahi” kung saan isa si Pacquiao sa mga celebrities na magpe-perform, natanong nga ang senador tungkol sa dalawang binatang anak.
Aniya, kung mabibigyan ng chance, nais din niyang makasama on stage sa gaganaping “Isang Tinig, Isang Lahi” concert sina Michael at Jimuel.
Pahayag ng boxer-politician, magandang venue ang nasabing event para maibahagi ng mga anak sa madlang pipol ang kanilang talento sa pag-awit lalo na ang ikalawang anak nila ni Jinkee na si Michael. Karagdagang karanasan din daw ito para sa mga bagets.
“Gustung-gusto niya kumanta at gumawa ng kanta. Gusto niya siya ang nagko-compose, siya rin ang nag-a-arrange.
“‘Yung anak ko na si Michael, mahilig talaga sa music. ‘Yung kwarto niya puro gamit sa music, so sana makita ko sila na kumakanta sa stage,” pahayag ni Manny.
Kung matatandaan, nag-viral at trending si Michael sa social media noong i-release niya ang kantang “Hate.” Naging hot topic siya that time dahil sa papuri ng mga kapwa celebrities.
Trending din last March ang guesting niya sa “ASAP Natin ‘To” kung saan inawit niya ang sariling komposisyon na “Make It Up to You” kasama sina Kyle Echarri at Darren Espanto.
Last January naman ay pormal nang ipinakilala ang panganay na anak nina Jinkee at Manny na si Jimuel bilang isa sa mga bagong miyembro ng The Squad Plus ng Star Magic.
“Suportado naman namin ang mga anak namin as long as makita lang namin na mabuti para sa kanila, wala kaming hadlang o tutol sa mga gusto nila,” sey pa ni Pacquiao.
Ang libreng benefit concert na “Isang Tinig, Isang Lahi” ay mapapanood sa pamamagitan ng KTX.ph sa June 26 at 27. Layunin nitong makaipon ng donasyon para sa mga kababayan nating matinding naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
The post Pacman suportado ang showbiz career ng 2 anak: Never kaming tumutol sa mga pangarap nila appeared first on Bandera.
0 Comments