Robredo-Trillanes, Lacson-Sotto, Sara-BBM, ito ang mga tambalang pinag-uusapan na maaaring tumakbo sa 2022 presidential at vice-presidential (national) election. Matunog din ang pangalan nila Manny Pacquiao, Richard Gordon, Bong Go, Isko Moreno at Vilma Santos-Recto. Samantala, si Pangulong Duterte ay kasalukuyang nag-iisip pa o naghihintay pa ng “message from God” o “divine intervention” kung ito ay tatakbo bilang vice-president.
Ang tambalang Robredo-Trillanes ay ang malamang na pambato ng opposition. Bagamat parehong Bikolano, inaasahan na makukuha nila ang malaking parte ng boto ng mga anti-Duterte sa iba’t-ibang pangkat-etniko, probinsya at rehiyon. Ang kanilang mga botante – ang mga anti-Duterte – ay nandiyan na, at ang kailangan na lang nilang gawin ay kumbinsihin ang mga pro-Duterte, lalong-lalo na ang mga “disgruntled” pro-Duterte, o yung mga pro-Duterte na hindi nasiyahan sa pamamalakad ng pamahalaang Duterte at ngayon ay anti-Duterte
Ang Sara-BBM (Bongbong Marcos) tandem ang team to beat kung ang latest survey ang pagbabasehan. Tama ang timpla kung ang pag-uusapan ay geographical strategy upang makakuha ng boto base sa pangkat-etniko at rehiyon. Isang taga Mindanao at isang taga Luzon. Ang kanilang matibay na botante ay ang pinagsamang pro-Duterte na gustong ipagpatuloy ang programa ng Pangulong Duterte at Marcos loyalist na manggagaling sa Solid North.
Ang Lacson-Sotto ticket ay magbibigay sigla sa 2022 national election pero maaaring makaapekto ito sa tambalang Robredo-Trillanes at kandidatura ng ilang presidentiables. Ang botante ng Lacson-Sotto ay ang mga anti-Duterte at lalong-lalo na yung mga “disgruntled” pro-Duterte na maaari sanang makumbinsi ng opposition at ilang presidentiables na suportahan at iboto sila. Hindi naman ito makakaapekto sa Sara-BBM dahil hindi naman nila mga botante ang mga boboto sa tambalang Lacson-Sotto. Makakatulong pa nga ito sa kanila kasi maaaring mahati ang boto ng kanilang mga katunggali.
Ang Bong Go-Duterte ay mangyayari lamang kung sakaling hindi tatakbo si Mayor Sara sa pagkapangulo. Ang botante ng Sara-BBM at Bong Go-Duterte ay nasa isang grupo lamang, ang pro-Duterte. Tiyak na mahahati ang boto nila na magiging dahilan ng kanilang pagkatalo, pati na ng Sara-BBM tandem. Kung hindi naman talaga tatakbo si Mayor Sara at itutuloy ang Bong Go-Duterte, katulad ng Duterte-Duterte tandem, pagdududahan naman ang motibo ng kanilang tandem na maaaring makaapekto sa resulta ng botohan.
Kung sakali naman ituloy ni Senator Pacquiao ang pagtakbo sa pagkapangulo, magkakaroon naman ng malaking epekto ito sa kandidatura ni Mayor Sara o ni Senator Bong sa 2022. Ito ay kung tatakbo nga si Mayor Sara o Senator Bong? Ang botante nila ay nasa parehong grupo, mga pro-Duterte. Marami sa pro-Duterte na botante ay kabilang sa mahihirap na iniidolo ang Filipino boxing icon dahil nakikita nila rito ang kanilang sarili. Ang tagumpay ng dating mahirap ay tagumpay na rin nila. Bukod pa rito, si Pacquiao ay isa rin taga Mindanao. Isang taong lumaki sa hirap na taga Mindanao. Kakainin nito ang boto ng Mindanao. Hahatiin nito ang boto ng pro-Duterte sa pangkalahatan. Ito kaya ang naging dahilan kaya nagpalabas ng resolution ang National Council ng PDP-Laban noong May 31, 2021? Ang nasabing resolution ba ay ginawa upang hindi makatakbo bilang pangulo si Pacquiao sa ilalim ng nasabing partido? Matatandaan na ang resolution ay naghihimok kay Pangulong Duterte na tumakbo bilang vice-president sa 2022 at mamili ng kanyang running mate. Tiyak na hindi pipiliin ni Pangulong Duterte si Pacquiao bilang pambato ng PDP-Laban sa pagkapangulo dahil hahatiin nito ang boto ng Mindanao at pro-Duterte.
Sina Poe, Gordon at Vilma Santos-Recto ay may mga sariling botante rin ngunit ito ay nahahanay din sa grupo ng anti-Duterte o “disgruntled” pro-Duterte. Magiging masikip ang position na paglalabanan nila maliban na lang kung bababa sila at tatakbo bilang vice-president.
Ang botante naman ni Mayor Isko ay naiiba. Mga mahihirap natin kababayan na pro-Duterte ngunit ayaw kay Mayor Sara. Mga anti-Duterte pero ayaw kay VP Robredo. Tulad ni Pacquiqo, si Mayor Isko ay hindi opposition at hindi rin magiging kandidato ng administrasyon.
Matagal pa ang filing ng certificate of candidacy at election. Marami pa ang maaaring mangyari na makakapagbago ng political standing nang mga nabanggit na tambalan at presidentiables.
The post Mga botante nila Robredo, Lacson, Pacquiao, Sara at iba pa. appeared first on Bandera.
0 Comments