Urong-sulong si President Duterte sa kanyang pahayag sa paggamit ng face shields. Noong Lunes ng gabi, sa indoors na lang daw magsuot nito. Irerekomenda rin daw ng IATF sa pangulo ang pagsuot ng “face shields” sa mga “enclosed”, “indoor” o mga saradong lugar.
Pero, pitong oras ang nakalipas, kailangan pa rin daw ang “face shields” sa outdoor at indoor. Ito’y matapos irekomenda sa kanya ng mga doktor tungkol sa napakadelikado at kumakalat ngayong “Delta variant” o B1.6172 ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Edsel Salvaña, ito ay apat na beses mas matinding nakakahawa kaysa orihinal na “virus” galing sa Wuhan at dobleng lakas naman kaysa UK variant. Ito ay galing sa India at ayon sa karanasan sa Australia, “fleeting contact” lamang o kahit sandali ay makakahawa na. Mas mabagsik makahawa kaysa UK at Wuhan virus na kailangan pa ang kinse minutos bago ka tamaan.
Sa ngayon, ang Delta variant ay talamak na sa India, Pakistan, Nepal, Bangladesh, Sri Lanka, Oman, United Emirates at nitong huli sa Ireland at may ilang kaso din sa Australia. Katunayan, meron pang tinatawag na “Delta Plus” variant o AY.01 na umano’y di naman tinatablan ng bakuna o “immunities”.
Nitong Lunes, inihayag ng Department of Health (DOH) na meron nang labimpitong kaso ng Delta variant sa bansa na karamihan ay mga bumabalik na OFWs. At dito, isa na ang namatay, isa ang nasa ospital samantalang ang 15 iba pa ay naka-recover. Tatlo sa mga bagong kaso ng Delta variant rito ay galing sa isang barko sa South Korea samantalang ang pang-apat ay galing Saudi Arabia.
Sa ngayon, ang lahat ng LGU’s sa buong bansa ay nakaalarma na sa Delta variant lalot narito na ito sa loob . Nakontrol na ang pagkalat nito sa ngayon , pagtitiyak ng DOH. Hinigpitan din ang ating “borders” para di makapasok ang mga “travelers” hanggang June 30 mula sa pitong bansa na meron nito.
Pero, sino ang makakapagsabi na hindi ito kakalat sa atin? Ang United Kingdom ay halos “fully vaccinated” na, pero sa loob lang ng isang linggo, ang 33,632 bagong kaso ng Delta variant ay umakyat agad ng 73,953. Ganoon din ang bilis sa Portugal samantalang meron na rin, bagamat konti pa lang sa Spain, Germany at France.
Sa kabuuan, hindi tayo dapat magpakampante. Totoong bumaba ang mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila pero ito po ay pawang Wuhan, UK at Philippine variant na kailangan mo ng “close contact” bago ka mahawa. Itatak na sa isip na may bago na tayong kalaban. At ito ang Delta Variant na mas matindi, mas mabagsik na parang mababalewala pati mga bakuna at pag-iingat natin.
Totoo na wala pang “community transmission” dahil nakontrol ng gobyerno ang unang 14 na kaso rito. Pero may katiyakan bang hindi tayo mahahawa sa “indoors” at “outdoors” ng bagong Delta variant?
Sagabal talaga ang “face shields” sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, pero kung ito ay dagdag na kalasag natin para hindi tayo mahawa ng alinmang COVID-19 variant, hindi naman masamang ituloy ang paggamit nito.
Kaya lamang, inaasahan natin ang gobyerno, partikular ang DOH at IATF na bigyan tayo ng “regular” na abiso tungkol sa “Delta variant” na ito. Kung kailangan, tulung-tulong tayong lahat para hindi tayo matulad sa India, UK at iba pang bansa na ngayo’y tinatamaan ng “second” o “third wave” ng mas mabagsik na COVID-19.
The post Face shields, kailangan vs. bagong ‘Delta variant’ appeared first on Bandera.
0 Comments