MATAPOS masaksihan ang kundisyon at kalagayan ng ilang pasyente sa Philippine General Hospital (PGH), nagdesisyon si Willie na mag-abot agad ng tulong-pinansiyal.
Nag-donate ang TV host-comedian ng P8 million sa pamamagitan ng programa niyang “Wowowin” sa PGH matapos ngang masunog ang isang bahagi ng gusali noong nakaraang Linggo, May 16.
Talagang naapektuhan ang operasyon ng PGH dahil sa naganap na sunog. Maraming pasyente ang kinailangang ilikas at ilipat ng ospital kabilang na ang mga may sakit at bagong-silang na mga sanggol.
Nakarating kay Willie ang paghingi ng University of the Philippines Office of the Student Regent ng tulong para sa mga naapektuhan ng sunog sa PGH.
Kaya naman sa isang episode ng “Wowowin”, tinawagan niya ang ilang mga malalapit na kaibigan at nanghingi ng ayud para sa mga pangangailangan ngayon ng ospital.
Personal namang nagtungo sa studio ng “Wowowin” sina PGH Director Dr. Gerardo Legaspi at Dr. Willy Lopez para tanggapin ang tulong-pinansyal mula sa programa ni Willie.
Umabot sa P3 million ang ibinigay ng mga sponsors ng programa ni Willie, P2 million mula sa WBR Entertainment Productions, Inc. at P3 million naman mula sa sariling bulsa ng TV host kaya umabot nga sa P8 million ang kabuuang donasyon.
Mensahe pa ni Willie, “Gusto ko lang magpasalamat sa ating frontliners, sa nurses, sa lahat, janitors, janitress, gwardiya na nagbabantay sa PGH, most especially ‘yun pong dalubhasang doktor.
“Kayo po ang mga tunay na bayani sa aming buhay. Kasi ho, sa totoo lang, hindi namin alam ang laban na ‘to.
“Kayo po ang nakakaalam kaya dapat tayong lahat mga kababayan, makinig tayo sa mga dalubhasa.
“Kung mahal mo ang pamilya mo, mahalin mo ang buhay mo dahil ikaw ang magse-save sa buhay ng pamilya mo,” pahayag pa ng komedyante.
Sa nasabing episode ng “Wowowin”, ipinakita rin sa manonood ang kundisyon ng mga sanggol at ilang pasyente na nasa pangangalaga ng PGH matapos ang sunog.
Samantala, naikuwento rin si Willie ang pagba-bonding nila ni John Lloyd Cruz at iba pang kaibigan sa showbiz, sa kanyang na Puerto Galerana Wil’s Cove.
Aniya, nagkachikahan sila ng aktor tungkol sa naging buhay nito noong pansamantalang nawala sa showbiz, “Actually, gusto ko lang batiin ang kaibigan nating si John Lloyd.
“Kagabi kasama ko siya, nasa Puerto Galera kami. Nagkuwentuhan kami sa buhay. Tinanong ko siya, ‘Bakit ka ba huminto?’” pagbabahagi ng TV host.
Aniya pa, “Alam mo, maganda yung mga rason niya, e. ‘Paminsan nabe-burnout ka na. Ito na lang po ginagawa ko araw-araw. Paggising ko, shooting. Pagtulog ko, paggising ko, shooting.’”
Sey pa ni Willie, bilib siya sa ginawa ni Lloydie na kahit alam niyang posibleng mawala nang tuluyan ang kanyang career ay sinunod pa rin nito ang dikta ng kanyang puso, “’Yun bang binigyan niya ng halaga yung sarili niya.”
The post Willie nag-donate ng P8-M para sa naapektuhan ng sunog sa PGH; bumilib sa tapang ni John Lloyd appeared first on Bandera.
0 Comments