ILANG beses ding nalugi sa pagnenegosyo ang actress-entrepreneur na si Neri Naig bago siya nagtagumpay nang bonggang-bongga!
Hindi rin naging madali para sa misis ni Parokya ni Edgar frontman Chito Miranda ang maabot ang kanyang mga pangarap sa buhay dahil talagang dumaan din siya sa butas ng karayom.
Maraming hinarap na challenges ang tinaguriang “Wais Na Misis” bago nakapagpundar ng matagumpay na mga negosyo at ilang properties, kabilang na ang nabili nilang farm ni Chito sa Cavite.
Sa ngayon, may 10 negosyo na si Neri at ilan nga riyan ang Very Neri Beddings, Ang Paboritong Suka ng Asawa Ko, The Wais Planner, Neri’s Bakeshop, Neri’s Not So Secret Garden at Miranda’s Rest House.
Sa panayam ng iJuander kay Neri naibahagi niya ang naging buhay niya noon, “Nag-alaga kami ng baboy tapos kumukuha kami ng kaning baboy sa mga kapitbahay.
“Pero hindi ko siya kinakahiya. Parang ‘pag kinukuwento ko ngayon, proud ako na naranasan ko ‘yon,” proud niyang kuwento.
“Nu’ng college ako, naglako ako ng mga ulam sa offices. So, ang gagawin ko, uuwi ako ng bahay ng tanghali tapos sasabihin ko sa nanay ko na magluto siya. Tapos ilalako ko ‘yon sa tanghali,” aniya pa.
Namana raw niya sa kanyang nanay ang pagiging madiskarte.
“Du’n ko natutunan ‘yung pagiging madiskarte ko, sa nanay ko. Ang taas ng pangarap ng nanay ko para sa amin.
“Sa sobrang taas ng pangarap ng nanay namin, gusto niya itawag namin sa kanya ‘mommy’ kahit na sa linoleum lang ‘yung sahig namin, sa silong lang kami,” natatawang kuwento ng aktres.
Kasunod nito, inamin nga niyang minalas din siya noon sa pagbi-business, “Franchise dito, franchise doon. Tapos hindi naman ako hands on at wala naman akong background sa pagnenegosyo.
“So, wala. Lugi. Talagang ang laki ng lugi ko noon, like mga P500,000, P600,000. Ganu’n ‘yung franchise. Hindi naman pinupulot ‘yon, ‘di ba?
“Ilang gabi o araw na pagpupuyat ko ‘yon sa pagti-taping. Well, ang natutunan ko doon sa mga failures ko noong unang-una, ‘yung ‘wag mong isugal lahat ng pera mo sa iisang negosyo,” lahad pa.
Taong 2015 nang simulan niya ang kanyang gourmet tuyo business na sarili niyang recipe, “’Yung pagnenegosyo ko kasi sa gourmet tuyo, P3,000 lang ‘yung start ko.
“From there, naging P12,000, naging P20,000, P25,000, P50,000 hanggang nu’ng nagkaroon ako ng P100,000 and then P250,000 and P500,000 and then parang ‘yon, ‘Oh my god! Meron na kong kumbaga isang milyon dahil sa pagtutuyo,’” sey pa ni Neri.
Pinapayuhan din daw siya ni Chito pagdating sa paghawak ng pera, “Tinuruan ako ng asawa ko na parang sabi niya ‘Pag may P15,000 ka, ‘yung P10,000 mo, ilagay mo agad sa bangko. ‘Yung P5,000, ayon lang ang gastusin mo.’ Sinunod ko ‘yon.”
Patuloy pa niyang pahayag, “Ang motivation ko pamilya ko, especially anak ko, si Miggy. Pagod na pagod ako. Pero kapag nakita ko na ‘yung anak ko, ‘Ah hindi, para sa anak ko ‘to.’
“I don’t want naman na, alam mo ‘yon, maranasan ng anak ko ‘yon. Ang hirap na hindi kayo makakapasok sa school kasi wala kayong pamasahe. Or hindi mo alam kung papasok ka ba dahil ‘di nakabayad ng tuition,” katwiran pa ni Neri.
The post Neri ilang beses nalugi sa negosyo noon; may 10 bonggang business na ngayon appeared first on Bandera.
0 Comments