BINASAG ng singer-actress na si Kim Molina ang isang netizen na walang pakundangang nanglait sa itsura ng kanyang boyfriend na si Jerald Napoles.
Supalpal ang laiterang basher na nagkomento ng “panget” at “mukhang basurero” sa isang Facebook post ni Kim patungkol kay Jerald.
Ni-repost kasi ni Kim ang lumang poster ng pelikula ng kanyang dyowa na ipinalabas noong 2018, ito ay ang pinag-usapan noon at naging hit pa sa Netflix na “Ang Pangarap Kong Holdap.”
Ang caption na inilagay ng komedyana sa kanyang post ay, “ACTION FIGURE NA JOWA KO! Ito na babalian ko pag galit ako sayo Jerald!!! LOL jk!”
Ni-like at pinusuan ng kanyang mga followers ang litrato ni Jerald ngunit may isa ngang hater ang matapang na nang-okray sa aktor. “Panget ang putcha! Mukhang basurero hahaha!” komento ng netizen.
Agad na rumesbak ang dalaga at ipinamukha sa taong nam-bash kay Jerald na walang masama sa pagiging basurero dahil marangal itong trabaho.
“May problema ka sa mga basurero?
“Walang masama sa marangal na trabaho ng mga yun.
“May problema ka sa maitim? Wala ring masama sa kung anumang kulay ng tao.
“Pangit? Gwapo ka? Asking lang,” ang bwelta ni Kim.
Samantala, muling magsasama ang magdyowa sa bagong pasabog na pelikula ng Viva Films sa direksyon ni Darryl Yap, ito ay ang “superhero” movie na “Ang Babaeng Walang Pakiramdam.”
Minsan sa ating buhay, hiniling natin na ‘wag makaramdam ng sakit, pisikal man o emosyonal. Pero paano kung ipinanganak kang hindi nakakaramdam ng sakit?
Ang “Jowable”, “Paglaki Ko Gusto Kong Maging Pornstar” at “Tililing director na si Darryl Yap ay muling nakagawa ng bagong pelikula na tiyak na pag-uusapan na naman ng sambayanan.
Ipakikilala niya ulit tayo sa isang bagong mundo sa pamamagitan ng “Ang Babaeng Walang Pakiramdam.” Ito ay tungkol kay Tasha (Kim), isang babaeng may kakaibang sakit na Congenital Insensitivity to Pain.
Dahil dito, hindi siya nakakaramdam ng kahit anong sakit — maging pisikal o emosyonal na sakit. At dahil din sa kanyang kakaibang kondisyon, hindi rin alam ni Tasha kung paano ang umibig.
Hanggang sa makilala niya si Ngongo (Jerald), isang lalakeng may cleft palate. Si Ngongo ang magiging daan para makaramdam si Tasha, lalo na ang saya at sakit ng pag-ibig. At magkasama sila sa isang adventure na hindi nila makakalimutan.
Gaya ng kanyang huling pelikula na “Tililing” na naging kontrobersyal dahil sa tema nito ng “pagkabaliw,” hindi takot si Darryl na talakayin ang mga paksang hindi madaling pag-usapan o hindi pa masyadong alam ng madaming tao. Ang Congenital Insensitivity to Pain ay isang pambihirang kondisyon na hindi gaanong kilala dito sa Pilipinas.
Sa nasabing pelikula, matututunan ang tungkol sa kakaibang sakit na ito, at kung pano nito naaapektuhan ang buhay ng isang tao na may ganitong karamdaman.
Ang pelikulang ito ay unang on-screen pairing ng real-life couple na sina Kim at Jerald kaya siguradong kaabang-abang ang mga pasabog nila rito habang ito naman ang pangalawang pelikula nina Direk Darryl at Kim na unang nagkatrabaho sa “Jowable”, na naging blockbuster hit noong 2019.
Mapapanood na ang pelikula sa June 11, sa worldwide premiere nito sa ktx.ph, iWantTFC, TFC IPTV, SKY PPV, Cignal PPV at sa Vivamax. Mag-subscribe na sa Vivamax sa web.vivamax.net.
The post Kim rumesbak sa basher na tumawag ng ‘panget, mukhang basurero’ kay Jerald appeared first on Bandera.
0 Comments