Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

Globe libreng tawag, charging at WiFi kasado na para sa mga apektado ni #Crising

globe

Nakahanda na ang Globe para tumulong sa mga residente ng Zamboanga Peninsula, Davao Oriental, Davao de Oro, Davao del Norte, Davao City, Davao del Sur, Cotabato at iba pang lugar kung saan inaasahang mararamdaman ang hagupit ni #Crising.

Naka-standby na rin ang mga Libreng Tawag, Charging at WiFi Services ng Globe na maaaring i-deploy anumang oras sa mga lugar na maaaring mawalan ng kuryente dahil sa malakas na hangin at pag-ulan dala ni Crising.

Bahagi rin ng mas pinaigting na pagtugon at kahandaan sa mga kalamidad, nakaantabay na ang mga technical support personnel at maging mga kagamitan gaya ng mga generator para ipadala sa mga lugar kung saan malaki ang magiging epekto ni #Crising.

Bibigyan din ng libreng data ng Globe ang mga Globe at TM customer nito para magamit sa pag-access ng website ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at malaman ang mga paghahanda at mga anunsyo ng pamahalaan sa pananalasa ng mga bagyo.

Nanawagan din ang Globe sa lahat ng mga apektadong residente na makinig o kumuha lamang ng balita sa mga lehitimong news site at mga government concerned agency.

Pinaalalahanan din ng kumpanya ang mga kababayan natin sa mga lugar na tatamaan ng masamang panahon na mag-imbak at maghanda ng sapat na pagkain, tubig, gamot, baterya para sa mga flashlight at radyo, kandila at i-charge agad ang kanilang mga mobile phone, tablet, laptop at iba pang mga gadget sakaling mawalan ng kuryente.

Pinapayuhan din ng Globe na manatili muna sila sa loob ng kanilang mga bahay kung wala namang pangangailangan na sila ay lumikas sa mas ligtas na lugar.  Gayunpaman, mas mainam na rin na maghanda sila ng mga damit, first-aid kit at iba pang mga kailangan sakaling sila ay ilikas mula sa kanilang mga tahanan.

Sa pinakahuling bulletin ng PAGASA alas-onse ng umaga ngayong Biyernes, Low Pressure Area na si #Crising. Inaasahang tutuloy na ito sa Sulu Sea sa susunod na anim hanggang labindalawang oras.

Para sa karagdagang  impormasyon, sundan ang GlobeICON on Facebook o bisitahin ang  globe.com.ph para sa mga pinakabagong  #StaySafePH advisory.

The post Globe libreng tawag, charging at WiFi kasado na para sa mga apektado ni #Crising appeared first on Bandera.

Post a Comment

0 Comments