“I THINK binago ni Quentin ang buhay ko,” ang mensaheng ipinagdiinan ng komedyanang si Candy Pangilinan para sa kanyang anak na si Quentin.
Alam naman ng madlang pipol na isang single mom si Candy at talagang mag-isa niyang pinalaki at itinaguyod ang bata sa pamamagitan ng pagiging dakilang working mom.
Si Quentin ay anak niya sa dating asawang si Gilbert Alvarado. Hindi naging maganda ang pagsasama nila sa mga unang buwan pa lang ng kanilang married life na nauwi rin eventually sa hiwalayan.
Ayon sa magaling na character actress, kung may isang bagay na nais niyang ipagpasalamat ngayong panahon ng pandemya, yan ay ang pagiging mas malapit nila ni Quentin.
“Ay okay naman kami. Mas naging close kami,” pahayag ni Candy nang kumustahin ang relasyon nilang mag-ina sa nakaraang guesting niya sa “Magandang Buhay.”
Kuwento pa ng aktres, “Nakakaimbento kami ng mga dapat gawin. Kahit na hindi namin dapat gawin, ginagawa namin. Alam mo yun.
“Naging creative kami sa mga gawaing bahay. Dati naman ‘di naman niya ginagawa, ngayon pinagagawa ko na sa kaniya,” dagdag pa niya.
Sa isang bahagi ng programa, naging emosyonal muli si Candy habang ibinabahagi ang kanyang mensahe para sa anak na may autism.
“For Quentin, thank you very much for being you. Maraming nagtatanong sa akin, kung uulitin ko raw ang buhay ko, kung okay lang na si Quentin ulit ang maging anak ko, yes.
“Ayos lang. Okay lang. Tanggap ko na. Parati ko ngang sinasabi na Quentin is my ticket to heaven, and I think more than na binago ko ang buhay ni Quenin, I think binago ni Quentin ang buhay ko,” lahad pa ng aktres.
Sa panayam ni Toni Gonzaga kay Candy kamakailan na napanood sa isa niyang vlog, naikuwento nga ng komedyana ang tungkol sa mga naging karanasan bilang nanay ng batang may special needs.
Ayon kay Candy, naniniwala siyang isang “miracle” o himala ang pagdating ni Quentin sa buhay niya.
“He’s my ticket to heaven. Kasi grabe ‘yung tinuro niya sa ‘kin. ‘Yung pasensya, ‘yung tolerance, tsaka ‘yung to live simply. ‘Yung ang simple ng buhay.
“Sobra siyang grateful and appreciative of simple things. Dati kasi, ako kailangan mo akong i-impress. Ngayon hindi na. Simple lang, nakakatuwa,” pahayag pa ni Candy.
The post Candy itinuturing na ‘himala’ ang anak na si Quentin: He’s my ticket to heaven appeared first on Bandera.
0 Comments