MATAGAL na naming naririnig na papasukin na ni Arjo Atayde ang pulitika pero hindi namin ito masyadong binibigyan ng pansin dahil hangga’t walang kumpirmasyon ang magulang niyang sina Art Atayde at Sylvia Sanchez ay dedma kami.
Pero nitong nakaraang buwan ay naikuwento sa amin ng isang kaibigan na may nakita siyang video post na namahahagi si Arjo ng ayuda sa hindi nabanggit na barangay at distrito.
Sa nasabing video ay nakitang namimigay siya ng face masks at face shields bukod pa sa ginanap na feeding program at paglilibot sa mga bahay-bahay at kumakamay pa.
May nagpadala sa amin habang sinusulat namin ang balitang ito ng larawan ng netizen na nabigyan ng aktor ng ayuda na may pangalan niya ang pinaglagyang ecobag.
Tinext namin ang nanay ng aktor na si Sylvia pero hindi kami sinagot hanggang matapos naming sulatin ang balitang ito.
Base naman sa mga larawang ipinadala ay walang partikular na distrito kung saan kakandidato si Arjo dahil namataan daw siya sa District 4, 5 at 1 na namimigay ng relief goods.
Kung sa tatlong distrito siya namahagi ng tulong, ano kayang lugar ang napupusuan ng aktor na pagsilbihan? Tatakbo nga kaya siya sa gaganaping Eleksyon 2022?
Anyway, naniniwala kami na hindi tuluyang iiwan ni Arjo ang showbiz dahil ang alam namin ay malapit na niyang simulan ang pelikulang dapat sana ay noong 2020 pa niya sinyut at isang series na matagal na ring nakabinbin dahil pa rin sa COVID-19 pandemic.
The post Arjo Atayde tatakbo sa Eleksyon 2022? appeared first on Bandera.
0 Comments