Marami ang nagtatawa nang unang mapanood ang mga nagti-TikTok lalo na nu’ng kasagsagan ng COVID -19 lockdown noong nakaraang taon. TikTok ang naging libangan ng karamihan kasama na ang mga artista na hindi makalabas ng kanilang mga bahay. Pero ang hindi alam ng marami ay malaki ang naitulong din nito sa pangkabuhayan ng mga gumagawa nito.
Bukod sa TikTok ay may iba pang apps sa social media na naging malaking tulong kay Andrea Brillantes, bagama’t aminado siyang marami ring struggles dito.
Nakuwento ng dalaga sa ginanap na virtual mediacon ng bagong digital series na Click, Like, Share kasama ang kapwa Gold Squad members na sina Seth Fedelin, Francince Diaz, at Kyle Echarri.
“Grabe yung struggles simula nung bata ako. Kahit minsan sabihin ko ng ‘I hate it, I hate social media’ pero nang dahil dito natupad ko pangarap ko kasi hindi naman talaga ako yung madaming teleserye,” bungad ng batang aktres.
Oo nga, tanda namin noong nagsisimula palang si Andrea ng seryen “Kadenang Ginto” ay nabanggit niyang gusto niyang magka-bahay para hindi na sila palipat-lipat ng bahay kasi nga nangungupahan lang sila noon at hindi naman kalakihan din ang talent fee niya.
At dahil magaling mag-budget ang mama ni Andrea kaya nakabuo sila ng pangdown sa lupa at sa thanksgiving ng “Kadenang Ginto” bago mag-pandemya ay nakatayo na ang bahay niya bagama’t hindi pa tapos.
Aminado na malaking bahagi ang social media para mabuo ang bahay niya na walang anumang utang sa bangko.
Balik-tanaw ni Andrea, “There were times na wala akong teleserye. Kaya nagsipag ako mag-post, stay relevant. Nagsipag ako sa TikTok, sa Musically para makakuha ng maraming raket. At sobrang nakatulong sakin yun.”
Oo nga naman ang laki ng kita niya dahil mayroon siyang 12 million followers sa Instagram at Facebook at siguradong milyones din ang sumusubaybay sa kanya sa iba pa niyang social media accounts.
Aniya, “Dahil sa social media na yan, natupad ko ‘yung makabili ng bahay. Hindi talaga siya actually sa teleserye kasi napupunta yun lahat sa money na pangkabuhayan so social media talaga helped me.”
Pero siyempre may pros and cons ang social media at aminado si Blythe (tunay na pangalan ni Andrea) rito. Una siyang nakatikim dito ng pambu-bully.
“At a very young age, ang dami na nagsasabing may mali sakin. Yung kilay ko. Yung height ko. Kahit sobrang bata pa ko pinagsasabihan na ko sa weight ko.
“Nahirapan talaga ako tingnan yung sarili ko sa salamin. ‘Okay ba ko? Maganda ba ko? Akala ko ba sabi ni mama maganda ako?’” kuwento ng dalagita.
At kahit na aktibo siya sa social media ay maingat pa rin siya sa pagpo-post lalo’t marami siyang followers na halos ka-edad niya o mas bata pa dahil idolo siya.
“Maraming naglu-look up sa ‘min and lagi rin po naming iniisip, I’m sure, bago namin i-post yung isang bagay dahil alam namin na maraming makakakita, pinag-iisipan po talaga namin ng mabuti,” paliwanag nito.
Samantala, mapapanood na sa buong mundo ang bagong anthology series nina Andrea, Francine, Kyle, at Seth tungkol sa responsableng paggamit ng social media na Click, Like Share ngayong Hunyo 5 sa KTX.ph, iWantTFC, at TFC IPTV.
Available na ang season pass para mapanood ang apat na episodes at bonus features sa KTX.ph (P299), iWantTFC (P299 sa Pilipinas o US$5.99 sa labas ng Pilipinas), o TFC IPTV (US$5.99). Makakasama rin sa fan meet para sa bawat episode kapag nanood sa KTX.ph.
Sa unang episode na “Reroute,” magiging impyerno ang buhay ni Brennan (Kyle) dahil mai-in love sa kanya ang kinakaadikan niyang app. Sa “Cancelled”na malalagay sa panganib ang buhay ni Karen (Francine) nang magkatotoo ang pinapangarap niyang perpektong buhay at kasikatan sa social media.
Sa episode na ‘Trending’ ay si Seth bilang si Cocoy na sisikat siya dahil sa pag-iimbento ng isang viral video. Dadaan naman sa mga pagsubok si Beth (Andrea) sa “Poser” dahil sa panloloko niya sa isang lalaki gamit ang face filter ng isang app.
Kasunod ng premiere ng unang episode sa Hunyo 5 ng 6 PM, isang bagong episode ang mapapanood tuwing Hunyo 12, Hunyo 19, at Hunyo 26 ng 6 PM sa KTX.ph, iWantTFC, at TFC IPTV. Magiging available rin ito ngayong taon sa Upstream.
Makakasama rin sa Click, Like, Share ang The Squad Plus members na sina Danica Ontengco at Renshi de Guzman, Jimuel Pacquiao at Nio Tria sa kanilang acting debut. Mula ito sa direksyon ni Emmanuel Q. Palo at produksyon ng iWantTFC at ABS-CBN Entertainment kasama ang Dreamscape Entertainment at Kreativ Den.
The post Andrea nakapagpatayo ng pangarap na bahay hindi dahil sa pag-aartista kundi… appeared first on Bandera.
0 Comments