UMAPELA si Alessandra de Rossi sa lahat ng mga na-expose sa COVID-19 patients na huwag nang makisalamuha o lumapit sa ibang tao para maiwasan ang hawahan.
Halatang bad trip na ang award-winning actress sa mga nababalitaan niya tungkol sa mga Pinoy na parang walang pakialam sa kaligtasan ng kanilang kapwa.
Ipinagdiinan ni Alex sa panawagan niya sa publiko sa pamamagitan ng social media na huwag nang pasaway at maging maingat sa pakikisalamuha sa iba lalo na sa mga matatanda.
Narito ang ipinost ni Alessandra sa kanyang Twitter account, “Nakikiusap ako sa mga taong na expose sa may COVID, kung feeling nyo di kayo ever tatablan dahil the best kayo, okay yang ganyang thinking.
“Pero sana wag na kayong magpakita muna sa iba! Lalo na kung may sakit or may seniors. Kaya nyo makapatay. Pa-criminal na yan eh. Sorry,” pakiusap pa ng dalaga.
Ipinagdiinan pa ni Alex na nagkakaalaman talaga sa mga ganitong panahon kung sino ang mga taong walang pakialam sa kanilang kapwa.
“Magugulat ka nalang talaga sa mga taong walang paki sa covid or sa thought sa pwede silang makapatay ng kapwa. Lalabas talaga kung sino selfish sa mga panahon na ganito,” sabi pa ng aktres.
Muli rin niyang ipinaalala sa madlang pipol ang pagsunod sa lahat ng health at safety protocols para makatulong sa pagkontrol sa pagtaas ng COVID cases sa bansa.
“Please stay at home kung may possibility na nahawaan ka rin. Saglit lang naman yun. Para sa lahat naman yun,” pahayag pa ni Alessandra.
Palaging sinasabi ni Alex na hindi pa siya handang tumanggap ng trabaho ngayong panahon ng pandemya dahil napapraning pa rin siyang lumabas ng bahay at sumabak sa lock-in shooting
“Last year, di ako tumanggap ng work noong 1k cases pa lang. Sabi ko next year na ako babawi, for sure things will get better.
“Ayun. Mas malala ngayon. I think I need a new job. Gusto kong maging manghuhula, para alam ko sinasabi ko! Chot!” ang isa sa mga tweet ni Alessandra tungkol sa pagbabalik niya sa pag-arte.
The post Alessandra nagmakaawa sa mga pasaway ngayong pandemya: Kaya n’yong makapatay… appeared first on Bandera.
0 Comments