HINIKAYAT ng TV host-comedian na si Willie Revillame ang kanyang mga tagasuporta na magpabakuna na kapag nabigyan na ng pagkakataon, lalo na ang mga senior citizen.
Ibinandera ng “Wowowin” host na meron na rin siyang proteksyon laban sa COVID-19 matapos mabigyan ng unang dose ng kanyang anti-virus vaccine kamakailan.
Ayon kay Willie nais niyang i-share ang kanyang naging experience sa pagpapabakuna upang ipakita sa sambayanang Filipino na safe na safe ang itinuturok na vaccine.
Naiturok sa Kapuso comedian ang unang shot ng Sinovac kahapon at maayos naman daw ang naging karanasan niya sa prosesong kanyang pinagdaanan at so far ay wala naman siyang nararamdamang kakaiba.
Senior citizen na rin si Willie (60 years old) kaya kabilang siya sa mga priority para mabakunahan. Ang ilan pang inuunang makatanggap ng vaccination ay ang frontliners, health workers, at ang mga may comorbidities.
Kuwento ni Willie, dumaan din siya sa tamang procedure ng screening bago mabakunahan — nagparehistro muna siya at kumuha ng clearance sa kanyang doktor dahil may existing health conditions nga siya.
“Kanina ho ay nagpa-injection na ako. Nagpa-vaccine na po ako ng Sinovac vaccine. So ayan po, kanina po ‘yan, alas-dos.
“Ayan, kadarating ko lang. Humabol nga ako rito ngayon at gusto kong magpasalamat sa mga taga-DOH, sa lahat po ng mga tao doon in the presence of doctors, mga nurses,” simulang kuwento ng TV host sa episode ng “Wowowin” kagabi.
Pagpapatuloy pa niya, “’Yun pala kukuhanin muna ‘yung ano mo, blood pressure mo. Checheckin ka lahat, oxygen mo, lahat bago ka nila ma-injection.
“Titingnan ho kung ika’y high blood o hindi. Sa awa ng Diyos kanina nasa ano ako eh, 130 over 80, batang-bata. Thank you po mga doc, siyempre,” tuwang-tuwang sey pa ni Willie.
“Kasi proteksyon natin ‘to, eh. Pumayag na po tayo na magpa-inject. Ako heto ho kasi siyempre nag-iingat na rin ho kami dito, kailangan protektado. Naka-schedule na rin ho lahat ng mga staff namin,” sabi pa ng Kapuso comedian.
Kuwento pa ng “Wowowin” host, nakatakda ang pagturok sa kanya ng ikalawang shot ng Sinovac sa darating na May 11.
The post Willie nagpabakuna na rin ng Sinovac: Siyempre nag-iingat na rin ho kami, kailangan protektado appeared first on Bandera.
0 Comments