TODO ang pasasalamat ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga Kapamilya stars na sina Anne Curtis at Angel Locsin dahil sa patuloy na pagtulong sa mga Pasigueño ngayong panahon ng pandemya.
Ibinalita ng binatang alkalde ang pagdo-donate ng grupo nina Anne at Angel na nagkakahalaga ng P1 million para sa pangangailangan ng mga residente ng Pasig.
Ayon kay Vico, nagbigay ng ayuda ang dalawang TV host-actress sa pamamagitan ng pag-aabot ng tseke sa kanyang opisina. Aniya, walang camera o media coverage ang ginawang pagtulong ng mga ito.
“Nag-donate sila ng walang fanfare, walang media. Ni hindi nga kami nagkita. Iniwan lang nila ‘yung tseke,” pahayag ni Vico sa isa niyang Facebook Live session.
Ang ibinigay na P1 million ay bahagi ng nalikom na pondo nina Anne at Angel mula sa isinagawa nilang celebrity auction na Shop & Share kung saan ipinamahagi nila ang tulong sa Philippine Red Cross at lima pang lungsod.
Nag-thank you rin si Vico sa iba pang nagbigay ng tulong para sa mga taga-Pasig, “Thank you sa lahat nang tumutulong, nagmamalasakit, alam ko man o hindi.”
Dagdag pa ng anak nina Bossing Vic Sotto at Coney Reyes, mapupunta raw ang nalikom nilang pera sa pagbili ng mga bakuna kontra COVID-19, “Idadagdag po natin ‘yan sa vaccination fund natin.”
Bukod sa Pasig, ang ilan pang lugar na nakatanggap ng tulong pinansiyal mula kina Angel at Anne ay ang Maynila, Baguio, Taguig at Quezon City.
Samantala, siniguro naman ni Mayor Vico na walang special treatment o palakasan sa COVID-19 vaccination program ng Pasig. Kahit nga raw ang nanay niyang si Coney Reyes, na isa nang senior citizen with comorbidities ay hindi pa nababakunanan.
“Strictly, no walk-in. Pinipilit natin na maging maayos yung sistema. Kung nagkukumpulan tayo, baka doon pa magkahawahan,” paalala ni Vico.
Diin pa niya, “Nanay ko nga mismo, hindi pa nababakunahan.” Aniya pa, 67 years old na ang veteran actress at kabilang sa mga residenteng may comorbidities.
“Lumalabas pa siya kapag may trabaho. Pero walang palakasan. Dumaan po sa tamang proseso. Nag-fill up siya ng form.
“Hinihingi niya pa nga sa akin ‘yung link. Sabi ko, ‘Tingnan mo na lang sa PIO (Public Information Office), Ma, kung saan ‘yung link,'” aniya pa.
Naka-schedule raw ang bakuna ni Coney next week, “Nanay ko mismo, kailangan i-text muna ng vaccination profiler ng team kung kailan ang schedule niya. Medyo kinakabahan din siyang mabakunahan, pero willing na naman siya.”
The post Vico saludo kina Angel at Anne; sinigurong walang palakasan sa bakuna…kahit nanay pa niya appeared first on Bandera.
0 Comments