Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

Social media, parang sementeryo sa dami ng namatay

Niño Jesus Orbeta/Inquirer

Sa panahon ngayon, parang ayaw ko nang  buksan ang aking social media accounts dahil sa namamayaning kalungkutan ng mga  kababayan. Sabi nga, pami-pamilya na ang hawaan at pati mga malalapit kong kaibigan ay isa-isa nang nangawala.

Dati rati, ang FACEBOOK, INSTAGRAM, maging TIKTOK ay puno ng selebrasyon, masasayang bagay at okasyon. Ngayon, napakaraming malulungkot na balita tila hindi titigil. Mga taong di mo akalain ay wala na pala ,  dahil “cremated” na di ka naman makapunta sa burol  dahil 6 pm ang curfew. Of course, hindi “essential” ang lamay sa patay.

Kagabi, isang biktima ng COVID-19, si Tatang Jun Icban, isang institusyon sa media, editor-in-chief ng Manila Bulletin at dating Press Secretary ni Pangulong Gloria Arroyo. Si Tatang Jun  ay kasamahan natin sa Tuesday Club-Edsa Shangrila  at matagal nang  kaibigan noon pang 1980’s , panahon pa ng unang TV PATROL.

Sa pagkakaalam ko, si Tatang Jun ang  pangatlo naming miyembro na nasawi sa pandemya, una si dating Mania Mayor Alfredo Lim at si Finance expert na si Eric Filamor. Isa ring kaibigan, si dating Cavite Governor-Congressman  at PCSO chairman Ireneo “Ayong”  Maliksi  ang pumanaw na rin kamakailan dahil din sa COVID-19.

Sa ganang akin, naguguluhan na ako sa pamamalakad ng IATF kahit meron silang National Action plan (NAP) na binuo noong nakaraang taon para lutasin ang pandemya. Mayroon pang phase 1,2 at 3 ang IATF, pero mistulang “hilong talilong” sa implementasyon. Ang kaibahan lamang ngayon, mas aktibo na ang mga alkalde sa bawat lungsod at bayan lalo na rito sa Metro Manila.

Sa mga ospital, buhay at kamatayan na ang pinipili sa “admission” ng mga pasyenteng nakapila sa ER. Puno lahat ng mga isolation facilities at kulang din ang mga health care workers. At ang solusyon ng IATF, dalawang linggong ECQ at isang linggong MECQ. Ipit din tayo sa suplay ng bakuna dahil sa mayayamang bansa na kinorner ang “supply”.

Parang pagod na ako at ayoko nang marinig ang sinasabi ng IATF at Malakanyang.

Bayan ang huhusga kay pacquiao kung pwede siyang presidente

Hindi raw  bagay maging Presidente si Senator Manny Pacquiao. Wala raw ”competence” ito dahil ang kailangan daw mamuno sa bansa ay lider na magbabangon ng ekonomya, lilikha ng trabaho at  lulutas sa pandemya, sabi ni dating Supreme Court associate justice Antonio Carpio.

Kung tutuusin, si Pacquiao ay kwalipikado sa posisyon  lalot nanilbihan na siya bilang congressman, at ngayo’y senador. Hindi magaling sa Ingles, pero isa siya sa natatanging Pilipino na kilalang-kilala  at nag-iingles sa buong daigdig.

Hindi rin matatawaran na may sarili siyang panggastos sa kampanya at hindi ito  galing sa ilegal na paraan. Sa pagkakaalam ko, kikita si Pacquiao ng dalawang bilyong piso sa susunod niyang laban kay Terence Crawford sa Middle East.  Isipin niyo, dalawang bilyong piso sa isang gabing suntukan. Madali bang hawakan ang dalawang bilyong piso?

Kaya naman, hindi ko rin masasabing “mahina “ ang utak  ni Manny. Sa dami ng kinita niyang pera sa loob ng dalawamput anim na taong pagboboksing, naiahon niya ang sarili kasama ng pamilya niya, mga magulang at kamag-anak sa kahirapan. Marami siyang natulungang mga kapwa niya mahirap sa Maynila at mga lalawigan bilang  balato niya sa perang  galing sa sariling pawis at dugo .

Lumihis ang landas noon, naging relihiyoso at  matahimik ang pamumuhay ngayon na walang kayabangan . Ito ay  isa ring pambihirang talino nitong si  Pacquiao.

Sa ganang akin, kung gusto ni Pacquiao na tumakbo bilang susunod na Pangulo, karapatan niya iyan at pabayaan natin. Alinmang paninira o panlalait sa kanya ay magkakaalaman kung siya’y isusulat sa balota ng mamamayan , matalo man o manalo sa Mayo 2022.

 

 

 

 

 

The post Social media, parang sementeryo sa dami ng namatay appeared first on Bandera.

Post a Comment

0 Comments