KINORONAHANG first runner-up sa 2021 Miss Eco International pageant ang pambato ng Pilipinas na si Kelley Day.
Siya ang pumangalawa sa nakasungkit sa titulo at korona na si Gizelle Mandy Uys ng South Africa sa international beauty pageant na ginanap sa Sharm el-Sheikh sa Ehipto nitong Abril 4 (Abril 5 sa Maynila).
First runner-up din sa edisyon ng pandaigdigang patimpalak noong 2019 ang kinatawan ng Pilipinas na si Maureen Montagne.
Sa nakababatang “kapatid” naman ng patimpalak na Miss Eco Teen International, nasungkit ng Pilipinas ng una nitong tagumpay sa edisyon noong 2020 na idinaos nitong Disyembre, sa Ehipto rin, nang tanghaling reyna si Roberta Ann Tamondong.
Naging mahaba ang paglalakbay ni Day, na nakatakdang sumabak sa Ehipto noon pang 2020 makaraang hiranging Miss Eco Philippines sa 2019 Miss World Philippines pageant na idinaos mahigit isang taon na ang nakararaan.
Dahil sa pandemyang bunga ng COVID-19, naunsyami ang pagtatanghal ng pandaigdigang patimpalak sa Ehipto nang dalawang ulit, bago itinakda ang pagkokorona nitong Abril.
Sa mahabang panahong iyon, binawi ang korona mula sa naunang nagwagi sapagkat nagdalantao siya sa loob ng pinalawig niyang pagrereyna. Inalok ng mga organizer ang titulo kay Montagne, ngunit tumanggi siyang tanggapin ito sapagkat nakasali na siya sa Binibining Pilipinas pageant.
Sa ngayon, isa pa lang ang Pilipinang nakasusungkit sa korona ng Miss Eco International, ang Kapuso actress na si Cynthia Thomalla.
Binati naman ni Miss World Philippines General Manager Arnold Mercado si Day para sa karangalan. “I am so proud of you. You did an excellent, amazing job,” aniya sa Facebook.
Hinirang ding Best in National Costume si Day sa isang preliminary event.
Sa pag-uwi ni Day sa Pilipinas, sasamahan niya ang mga aktor na sina Raymond Bagatsing at David Chua sa isang proyektong suspense-mystery sa telebisyon.
Nakatakda rin siyang magsalin ng korona sa 2021 Miss World Philippines pageant sa Hunyo.
The post Kelley Day waging 1st runner-up sa Miss Eco International appeared first on Bandera.
0 Comments