Hindi maitatanggi na ang nagsulputang mga community pantries sa ibat-ibang lugar ay dala ng pagkabigo ng gobyerno na gampanan ang tungkulin nito sa panahon ng krisis dulot ng COVID -19. Bigo ang gobyerno na tulungan ang ating mga mahihirap na kababayan na maglatag ng pagkain sa kanilang mesa.
Marami ang nawalan ng hanap buhay dahil sa umiiral na pandemya at ipinatutupad na quarantine. Bagamat pinilit ng ating gobyerno na mabigyan ng ayuda (financial assistance) ang mga mahihirap at yung mga lubos na naapektuhan ng krisis, ito ay hindi naman sapat upang maitawid ang marami sa kahirapan at kagutuman.
Masasabi natin na walang agresibong aksyon ang ating gobyerno, o kung mayroon man ito ay hindi sapat upang buhayin ang ating ekonomiya na magbibigay sana ng hanapbuhay sa mga tao habang nananatili ang pandemya at pinaiiral ang quarantine. Hindi pa rin naipamimigay lahat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ilang ahensya ng gobyerno ang mga ayuda o financial assistance sa mga beneficiaries nito maski noon pa ito nailaan. Ang huling ayuda na Php1,000, matapos ilagay ulit sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna at Bulacan, ay walang dudang hindi sapat. Bukod dito, pahirapan pa bago ito makuha dahil sa napakarami at nakakalitong patakaran.
Ang kawalan ng aksyon o maling aksyon sa parte ng gobyerno na tugunan ang kahirapan at kagutuman sa panahon ng pandemya at quarantine ang nagtulak sa 26-anyos na si Patreng (Ana Patricia Non) upang tulungan ang naghihirap at nagugutum sa pamamagitan ng pagtayo ng kauna-unahang community pantry, ang Maginhawa Community Pantry.
Tinayo ni Patreng ang Maginhawa Community Pantry upang matulungan ang mga taong nawalan ng hanap buhay dala ng crisis. Ito ay para sa mga taong naghihirap. Sa mga taong pinaproblema ang kakainin sa araw-araw. Walang ibang hangarin si Patreng kung hindi makatulong sa kapwa. Walang politika, walang kulay at walang inaasahang kapalit ang kanyang pagtulong. Ni hindi niya nga akalain na magiging simbolo ito ng isang malaking bayanihan at tutularan ng ibang tao. At lalong hindi nya akalain na pagbibintangan siyang isang komunista na naglagay sa kanyang buhay sa panganib..
Sa ngayon, mayroon na halos 400 community pantries sa bansa at ito ay inaasahang madadagdagan pa. Ang mga ito ay dinudumog halos araw-araw ng ating mga kababayan na naghihirap ngayon dala ng umiiral na pandemya at quarantine. Ang mga community pantries na ito ang nagbibigay sa kanila ng pag asa at kasiguraduhan na may makakain sila at ng kanilang pamilya sa araw -araw. Bagay na dapat na ginagawa ng gobyerno, pero hindi nagawa dahil sa kakulangan o walang pagkamalikhain (creativity) kung papaano resolbahin ang problemang kahirapan at kagutuman sa panahon ng pandemya.
Nakakalungkot na imbes purihin si Patreng sa pagtulong sa ating kababayang naghihirap at nagugutom, siya ay inakusahan ng ilang opisyal ng gobyerno na kabilang sa grupong kumunista. Por dios santo, kailan pa naging kumunista ang pagtulong sa kapwa?
Klaro na hindi nagugustuhan ng ating mga namumuno sa gobyerno ang mga community pantries dahil ito ay salamin ng kanilang pagkukulang at maling pamamahala. Isang masamang bangungut na pinapakita ang kapabayaan at pagkukulang ng gobyerno. Isang sampal sa muka ng gobyerno na tila walang ginagawa para maibsan ang paghihirap ng mga tao.
Masakit din naman talagang tanggapin sa mga namumuno sa gobyerno na isang Patreng lang ang makakagawa ng isang tunay na malakihang bayanihan kung saan ang mga tao ay nagbuklod, nagkaisa at nagtulungan sa panahon ng crisis. Isang Patreng lang ang makakagawa ng solusyon upang maibsan lang maski pansamantala ang kahirapan at kagutuman ng mga tao sa panahon ng pandemya.
Walang masama sa community pantry dahil ang layunin nito ay matulungan lamang ang mga mahihirap. Umaasa ang marami na ito ay mapanatili at magtagal pa.
Para sa mga namumuno sa gobyerno, ang community pantry ay maging hamon sana sa inyo na pagbutihan ang pamamahala sa gobyerno.
The post Community pantries: sampal sa mukha ng gobyerno appeared first on Bandera.
0 Comments