NAKAGAWA agad ng isang parody song ang Kapuso comedian at direktor na si Michael V matapos maging national issue ang pagkain ng “lugaw”.
Nitong nakaraag linggo, nag-viral at naging hot topic sa social media ang ginawang pagharang ng ilang barangay official sa isang delivery rider sa San Jose del Monte, Bulacan.
Mismong ang rider ang kumuha ng video habang nakikipagdiskusyon sa mga nagmamando ng checkpoint matapos siyang pagbawalang makapasok sa lugar dahil sa ipinatutupad na curfew.
Kasama ang Bulacan sa muling isinailalim sa enhanced community quarantine o ECQ dahil sa muling pagdami ng COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit-probinsya.
Ang kuwento, kukunin sana ng rider ang in-order na lugaw sa isang tindahan roon para i-deliver sa kanyang customer ngunit hinarang nga siya dahil hindi naman daw “essential” ang lugaw.
In fairness, naging national issue pa nga ito matapos klaruhin ng Malacañang na kasama ang lugaw sa mga essential dahil ito ay pagkain. Ang ending nag-sorry ang nasabing barangay official matapos makatikim ng matitinding batikos mula sa publiko.
At dahil nga rito, naisipan ni Bitoy na gumawa ng video tungkol sa nasabing insidente. Ipinost niya sa kanyang YouTube channel ang parody song kung saan hiniram niya ang tono ng kantang “Torpedo” na pinasikat ng OPM iconic band na Eraserheads.
Nilagyan niya ito ng sariling lyrics at pinamagatang “Essential Lang”. In fairness, nakaka-LSS (last song syndrome) ang ginawang kanta ni Michael V kung saan maririnig din ang aktuwal na voice recording ng pagsasagutan ng delivery rider at ng barangay official.
Samantala, sa ending naman ng vlog ng komedyante, muli siyang magpaalala na “COVID is real” at huwag tayong magpabaya sa pagsunod sa mga safety protocols.
“Wear a mask. Ang proteksiyunan ang sarili at ang kapwa ay essential. Stay at home. Ang pagbabawas ng hindi importanteng lakad ay Essential.
“Pray for our country and the world. Ang tiwala at pananalig sa Kanya ang pinaka-essential,” pahayag pa ng Bubble Gang at Pepito Manaloto lead star.
Isa si Bitoy sa mga unang celebrities na tinamaan ng COVID-19 last year. Idinetalye niya ang ginawa niyang paglaban sa killer virus sa isa ring vlog.
The post Bitoy ginawan ng kanta ang viral lugaw incident, muling nagpaalala: Ang pananalig sa Kanya ang pinaka-essential… appeared first on Bandera.
0 Comments