ISA si John Lloyd Cruz sa mga celebrities na nabiktima ng nakakalokang prank call ng actress-dancer na si Maja Salvador.
Sa latest vlog na in-upload niya sa kanyang YouTube channel, mapapanood ang drama na naisip ng aktres para mapagtripan ang ilan sa malalapit niyang kaibigan sa showbiz.
“Ang daming nagre-request ng prank na vlog. So, ito na. Naisipan namin na sige na nga, mag-prank na nga ako. Prank calling my friends. May iba sasabihin ko engaged na kami ni Rambo (Nuñez), invited sila sa kasal ganyan,” simulang pahayag ni Maja sa video.
Aniya pa, “Tapos ‘yung iba naman may mga tao na sobrang invested sa relationship namin ni Rambo. So ang prank ko naman sa kanila nag-break kami ni Rambo.
“Kailangan namin magkita ganyan. May kailangan kunwari akong bayaran kay Rambo kaya kailangan kong umutang sa kanila,” chika pa ng dalaga.
Kabilang nga si John Lloyd sa naisip ni Maja na isali sa kanyang prank call vlog. Tinanong niya ang award-winning actor kung makakadalo ba ito sa kasal nila ni Rambo.
“Tay. Hello. Kailan ang balik mo ng Manila?” usisa ni Maja kay Lloydie.
Sagot ng ex-partner ni Ellen Adarna, “Ah ‘di ko po alam, bakit?”
“Mga March 28 kaya nandito ka na?” sey naman ni Maja. Tugon uli ng aktor, “Siguro naman oo. Bakit?”
‘“Wag ka muna maingay. Hindi ka naman madaldal. Attend ka naman sa civil wedding namin ni Bo,” patuloy na pangloloko ni Maja sa kaibigan.
“Okay. Oo ba,” pangako ni John Lloyd sa kanya.
“Nandoon ka, ha. Sasabiihn ko sa iyo kung anong oras,” hirit uli ng aktres.
“O, sige 28. Hindi, teka lang kasi mag-o-oo na naman ako tapos ‘di ko pa alam,” ani John Lloyd.
“Dapat nandoon ka grabe ka sa akin, ninong ka nga eh, ninong,” chika ni Maja.
“Sige, sige oo. Kung wala man ako, uuwi ako,” sagot ni John Lloyd.
Dito napatunayan nga ni Maja na talagang ready si Lloydie na sumuporta sa kanya kahit anong mangyari. At nang ipaalam na niya sa aktor na isang prank lang ang ginawa niya, cool na cool pa rin ang reaksyo ni John Lloyd, “Ah ganu’n, ang corny naman ng reaction ko.”
“At least uuwi ka, ‘di ba? Effort. I felt the love,” sey naman ni Maja.
Tinawagan din niya si Alex Gonzaga at tulad ng drama niya kay John Lloyd, super na-excite rin ang TV host-actress sa kunwari’y pagpapakasal nila ni Rambo.
“I am so happy for you. Alam mo bang inaawitan ka na ng mga suppliers sa wedding. Sabi nila, ‘Naku, Ate Alex, after mo si Maja ngayon. Nararamdaman namin si Maja feeling siya next,’” chika ni Alex.
Pero nang aminin ni Maja ang prank, biglang nag-iba ang tono ni Alex, “Alam mo nanggigil ako sa ’yo. Meron ka pang paganu’n-ganu’n. Paiyak na ako na ‘di ko alam so ano totoo ba?
“Heto namang mga ‘to gusto ng collab pero parang ni-prank niyo pa ako. Saka na-touch ako in a way sabi ko talaga bang in-invite ako ni Maja sa ano — sa wedding? Nanggigil ako sa yo pinrank mo ko,” sey pa ni Alex.
Hindi naman umubra ang drama ni Maja kay Aiko Melendez dahil nabuking nito agad na isang prank lang ang pagtawag sa kanya ni Maja. Naging magkaibigan ang dalawa nang magkasama sila sa Kapamilya series na “Wildflower.”
Ilan pa sa mga nabiktima ng prank call ni Maja ay sina Rayver Cruz, Kakai Bautista, Thou Reyes, Jake Ejercito, Enchong Dee at Joshua Garcia.
The post #Biktima: John Lloyd, Alex pinagtripan ni Maja, pero hindi umubra ang drama kay Aiko appeared first on Bandera.
0 Comments