MANILA, Philippines -Bahagi ng adbokasiya ng Globe na pangalagaan at proteksyonan ang kapaligiran — sumali ang kumpanya sa pandaigdigang kampanya sa pagre-recycle, tamang pagtapon ng e-waste, pagpigil sa paggamit ng single-use plastic, at iba pang mga katulad na initiatiba kasabay ng pagdiriwang ng Global Recycling Day noong March 18.
Inilunsad noong 2018, ang Global Recycling Day ay naglalayong makatulong na makilala at ipagdiwang ang mahalagang papel na ginagampanan ng pagre-recycle sa hinaharap ng mundo.
Patuloy na hinihimok ng Globe ang mga empleyado, partner, customer, at iba pang mga stakeholders nito na makipagtulungan sa iba’t ibang programang pangkapaligiran gaya ng E-waste Zero at ‘Wag Sa Single Use plastic o WasSUP. Ito ang mga programang naghihikayat sa responsableng paggamit at pag recycle ng mga electronic gadgets at plastik.
“Sinimulan namin ang programang E-waste Zero noong 2014 para makaipon ng pondo na magagamit para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan sa Aklan matapos itong masira ng bagyong Haiyan. Mula noon, napalawak namin ang programa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga kumpanya na kabilang sa Ayala Corporation Group, sa aming mga business clients, sa mga paaralan, at sa mga non-government organizations,” sabi ni Yoly Crisanto, Globe Chief Sustainability Officer at SVP para sa Corporate Communication.
Sa pamamagitan ng responsableng pag-recycle, mapapanatili at mapoprotektahan ang mga likas na yaman mula sa banta ng polusyon. Sa paraan ding ito, mabibigyan tulong at kabuhayan ang mga pamayanang nasa balag ng alanganin dahil sa kahirapan. Ang hindi wastong pagtatapon ng e-waste halimbawa, ay maaaring makasira sa kapaligiran at magdudulot ng panganib sa kalusugan dahil sila ay naglalaman ng mga nakakalason na sangkap tulad ng arsenic, cadmium, tingga at mercury.
Kaya ang Globe, sa pamamagitan ng E-waste Zero, ay nakatuon sa responsableng pagtatapon at pag-recycle ng mga e-waste. Ang programa ay isang paraan para sa mga indibidwal at samahan na magtapon ng kanilang luma o hindi gumaganang mga elektronikong aparato at accessories sa mga recycle bins na makikita sa Globe Stores, mga piling mall at tanggapan ng mga partner na grupo. Maaari ring mapakinabangan ang libreng door-to-door pickup ng e-waste sa pamamagitan ng pag-access sa https://www.globe.com.ph/about-us/sustainability/environment.html
Sa kasalukuyan, higit sa 1.4 milyong kilo ng e-waste na ang naibigay, nakolekta at naihatid sa pasilidad ng Treatment, Storage, and Disposal (TSD) na partner ng Globe. Ito ang Total Environment Solutions – Asset Material Management Philippines (TES-AMM) sa Pasig City at Maritrans Recycler, Inc sa Cebu. Ang mga e-wastes ay pinaghihiwalay para mabawi ang mga materyal na plastik, elektronikong sangkap, at mahalagang mga metal. Ang pangwakas na proseso ng pag-recycle ay ginagawa sa pasilidad ng TES-AMM sa Singapore.
Ang mga TSD ay mga pasilidad na akreditado ng DENR-Environmental Management Bureau na may kapasidad at teknolohiya para maproseso ang mga mapanganib na basura. Ang lahat ng nabuong mga mapanganib na basura ay dapat wastong itapon alinsunod sa Republic Act 6969 o ang Toxic Substances, Hazardous at Nuclear Wastes Control Act of 1990. Isinama ng Globe ang prosesong ito sa implementasyon ng sertipikadong ISO 14001 o ang Environmental Management System na ipinatupad sa buong organisasyon.
Ang WasSUP, sa kabilang banda, ay isang programa ng kumpanya na nagtataguyod ng zero waste na pamumuhay at nakatuon sa pagtuturo sa mga empleyado ng Globe tungkol sa matinding epekto ng mga plastik sa kapaligiran. Ngayong taon lamang, nakipag ugnayan ang Globe sa Green Antz Builders Inc. para sa responsableng pagtatapon at pagproseso ng mga single-use plastik na basura mula sa loob ng The Globe Tower, Bonifacio Global City, Taguig. Ang Green Antz Builders ay nagbibigay ng mga solusyon sa pagbuo ng mga gusali at bahay gamit ang eco-friendly practices at mga green technologies sa mga produkto at serbisyo nito.
Naglagay na rin ang Globe ng isang plastic shredder para matiyak na ang lahat ng mga natukoy na single-use plastic mula sa loob ng nasasakupang lugar ay napoproseso sa isang responsableng pamamaraan bago maihatid sa pasilidad ng Green Antz sa Taguig. Ang mga dinurog na plastik ay gagamitin bilang isang sangkap ng mga eco-brick at paver na ipagbibili ng Green Antz bilang mga materyales sa konstruksyon para sa mga paaralan at mga daan sa hardin.
Dalawang iba pang initiatiba ng Globe ay ang pakikipag partner nito sa Vending Experts Night and Day Philippines, Inc. o VEND, at Quanta Paper. Ang kumpanya ay nakipag ugnayan sa VEND para makabuo ng mga vending machines na gumagamit ng Quick Response (QR) code para sa cashless at contactless na transaksyon gamit ang GCASH. Dalawampu’t-walo na VEND machines na ang na-install sa mga tanggapan ng Globe at binibigyan nito ng automatic PhP1.00 GCASH rebate sa bawat transaksyon ang mga customer na gumagamit ng sarili nilang baso sa halip na disposable paper cup.
Samantala, nagbibigay ang Quanta Paper ng mga rolyo ng tissue paper sa Globe offices na may markang Green Choice Seal of Approval. Pinatutunayan nito na ang mga produkto ay ligtas para sa kapaligiran at ginawa alinsunod sa mga alituntunin ng Environmental Protection and Sustainable Development.
Ang Globe ay nananatiling nakatuon sa 10 mga prinsipyo ng UN Global Compact at nag-aambag sa 10 UN Sustainable Development Goals tulad ng UN SDG Blg. 12 na naglalayon na pasulungin ang ekonomiya habang binabawasan ang pagkasira ng kapaligiran; at SDG No. 13 na nagsusulong ng mabilisang pag kilos para matugunan at maagapan ang mga problemang bunsod ng pagbabago sa ating klima.
Para malaman ang higit pang impormasyon tungkol sa mga programa ng Globe para sa sustainable development, bisitahin ang https://www.globe.com.ph/about-us/sustainability.html
The post #RecyclingHeroes: Globe kaisa sa pagdiriwang ng Global Recycling Day appeared first on Bandera.
0 Comments