TODO-TANGGOL si Rosanna Roces sa kaibigan niyang direktor na si Darryl Yap na bina-bash ng ilang netizens dahil sa mga ginagawa nitong “matatapang” na pelikula sa Viva Films.
Dumepensa ang aktres sa lahat ng mga nagsasabi na bastos at walang respeto si Direk Darryl dahil lamang sa tema ng mga movie niya bukod pa sa pagiging patola raw sa mga haters niya sa social media.
Parehong naging kontrobersyal ang magkasunod na pelikula ng direktor mula sa Viva Films, ang sex-comedy na “Paglaki Ko Gusto Kong Maging Pornstar” (kung saan kasama nga si Osang) at ang “Tililing” na naging national issue pa dahil sa ginamit na poster para sa promo ng movie.
Sa ginanap na virtual media conference para sa bagong proyekto ni Osang sa Viva, ang digital series na “Kung Pwede Lang” na idinirek nga ni Darryl, natanong ang aktres kung ano ba talaga ang totoong ugali ng young director.
Ayon sa aktres, mabait at marespeto ang direktor na muli nga niyang nakatrabaho sa rant-serye na “Kung Pwede Lang” at sa bagong movie ni Sharon Cuneta na “Revirginized”.
“Unang-una kasi, malalaman mong mabuting tao ‘yan, galing sa bibig mismo ng mga magulang n’ya, na napakabait na anak ni Direk Darryl. Hindi siya ganu’n kabastos. Hindi siya ganu’n. Kagaya lang din natin siya.
“Naku, mas bastos pa nga tayo sa showbiz, e. Mas malala pa nga tayo magkuwentuhan. Pero ang isang hinangaan ko diyan, nu’ng nagkapera siya talagang ipinagawa niya ‘yung bahay nila,” kuwento ni Osang.
Nakakuwentuhan din daw niya ang ina ni Direk Darryl at nalaman niya kung anong hirap din ang mga pinagdaanan nito sa buhay noong nasa sa Olongapo pa ito.
“Tinatanong ko rin ang magulang kung ano rin ang ugali niya. Bata pa daw ‘yan, sa school talagang hindi na siya mahilig magsulat. Matalino talaga. Pumapasa kahit hindi nagsusulat.
“So, sabi niya, ‘Anak, hindi ka para dito sa Olongapo. Bumaba ka ng Maynila. Doon mo hanapin ’yong future mo,’” sabi ni Rosanna.
Bumilib din siya sa pagiging loyal ni Direk Darryl, “Makikita mo na kapag punta niya sa Maynila kasama nu’ng mga pangarap niya, hindi niya iniwan ‘tong grupo niya sa Olongapo which is ‘yung Sa Wakas Theater Group.”
Ang tinutukoy ni Osang ay ang theater group na binuo ni Darryl sa Olongapo na ang mga artista at production staff ay siya ring mga nasa harap at likod ngayon ng mga viral videos niya sa Vincentiments Facebook page at isa-isa na rin niyang inilulungsad sa mga pelikula at online projects niya sa Viva.
“Kinukuwento ng nanay niya nagkanda-utang-utang daw ‘yan para pakainin ‘yung grupo. Minsan daw pinupuntahan siya sa school para singilin kasi inutang ni direk lahat ‘yung pagkain.
“Yun ang gusto ko sa kanya. Tapos hindi kinakalimutan ‘yung magulang, ‘di ba? Maayos na maayos sa kanya kung ano ang priorities niya sa buhay,” chika pa ni Osang.
* * *
Samantala, mapapanood na simula sa April 9 ang bagong comedy digital series ng Vivamax Originals na “Kung Pwede Lang” na pinagbibidahan nina Osang, Carlyn Ocampo (member ng international group na Z-Girls) at Dennis Padilla.
Mula sa viral online rant series ng Vincentiments na likha din ni Darryl at umabot na sa 320 million ang total views, ang seryeng ito ay tungkol sa pamilya Panting, isang pamilyang punong-puno ng buhay at punong-puno na rin sa buhay.
Kabilang na riyan si Precious (Carly), ang middle child, breadwinner at “Yes Girl” na masyadong mabait at hindi kayang tumanggi sa kahit anong hilingin sa kanya ng kanyang pamilya.
Pero hanggang kailan niya kayang magbigay at magtrabaho para sa kanyang pamilya? Hanggang kelan niya kukumbinsihin ang kanyang sarili na okay siya?
Ang pamilya ni Precious Panting ay sina Princess (Rosanna), ang problemadong ina; si Paquito (Dennis), ang tatay na mahilig sa sabong; si Lola Baby (Dexter Doria), ang lolang mainitin ang ulo; si Prince (Bob Jbeili), ang panganay na walang trabaho; at si Penelope (Loren Mariñas), ang bunsong kapatid.
Lahat sila may kanya-kanyang problema at iba’t ibang hanash sa buhay tungkol sa trabaho, pera, jowa at sa buhay in general. Sa 8-episode series, malalaman natin ang mga hassle sa buhay ni Precious at ng buong pamilya Panting, na alam na alam natin at totoong makaka-relate tayo.
Ang online “KPL” shorts ay naging viral at talagang pinag-uusapan dahil marami ang nakaka-relate sa bawat kwento.
At ngayon, sa full series ng “Kung Pwede Lang”, mas maraming karakter at mga sitwasyon na siguradong makaka-relate at matatawanan ang viewers.
Alamin kung sino ka sa pamilya Panting sa “KPL”. Exclusive itong mapapanood sa VIVAMAX simula April 9. Available ang VIVAMAX online sa web.vivamax.net, o i-download ang app sa Google Play Store. Watch all you can sa VIVAMAX, P149/month lang, at mabibili ang VIVAMAX vouchers sa Shopee at Lazada.
The post Osang kinontra ang bashers ni Direk Darryl Yap: Hindi siya bastos, mabait na anak at loyal na kaibigan appeared first on Bandera.
0 Comments