Habang dumadami ang mga bagong kaso ng COVID-19, sumasabay ang dami ng mga kumpirmadong kwento sa mga nasawing biktima mula sa ating mga kaibigan.
Tulad ng dalawang abugadong namatay noong nakaraang linggo na ang mga salaysay ay pinag-usapan sa mga pribadong Viber network at social media. Unang kaso itong bagong kasal at batang abogado ng Ateneo Law, miyembro ng Aquila Legis at may-ari ng sikat na restaurant chain sa Roxas Blvd. Nagkaroon ng COVID-19 ang kanyang magulang, pati ang kanyang buntis na asawa at lahat ng katulong at driver sa kanilang bahay. Sa huling balita, unang namatay ang kanyang ama, sumunod ang batang abogado at namatay na rin ang kanyang ina.
Ikalawang kaso ang byudong pamangkin ng dating Supreme court chief justice na taga-Paranaque. Nahawa siya sa na-byuda ring ina. Nang unang magpositibo, ilang beses siyang nagtangkang pumasok sa ospital pero, dalawang beses din siyang tinanggihan. Nitong nakaraang Martes ng umaga, nagpa-swab siya ulit at lumabas na “negative” na siya sa COVID-19. Laking tuwa nito at ibinalita pa sa mga kaibigan. Pero, kinagabihan hindi na siya makahinga at nang dalhin sa ospital ay “dead on arrival” na.
Maraming kwento na halos ganito rin. Isang manugang na babae ang bumili ng bulaklak sa Dangwa para dumalo sa dinner party ng kanyang kaibigan. Nahawa ang kanyang mga anak, biyenang lalake at babae pati mga katulong. Ang huling nabalitaan ko, namatay pareho ang kanyang biyenang babae na edad 60’s lamang at nasa ospital pa rin ang lalake. Ang pamilya nila ang may-ari ng isang kilalang hotel sa Alabang.
Isang babaeng helper ng isang alkalde sa Bulacan ang nagkaroon ng COVID-19 at sumailalim ng quarantine. Nang siya’y gumaling, nagwalis lamang sa bahay ng kanyang tinutuluyang pamilya, bigla na lang namatay at hindi makahinga.
Nariyan din ang kwento ni Mayor Edwin Pangilinan ng Famy Laguna na 53 years old pa lamang, na hindi makahinga matapos makumpirmang positibo sa COVID-19 at namatay noong araw ding iyon. Ang kanyang ina, edad 76, ay nasawi rin. Nauna rito, namatay din si Kabayan, Benguet mayor Faustino Aquisan ,61, sa atake sa puso, pero sa naunang dalawang swab tests , “positive” siya sa COVID-19. Pinag-uusapan din ngayon ang pagkamatay ni Father Arnold San Maria Cañoza, 45 , na kura paroko ng San Agustin Church sa Intramuros , Manila
Simula pa lang ng taon, mainit na isyu ang pagkasawi ng napakasipag na MMDA chairman at dating RAM Gen. Danilo Lim,65. Noong December 29, sinabi niyang nagpositibo siya sa COVID-19. Pagdating ng Enero 6, namatay siya sa “cardiac arrest”.
Noong nakaraang taon, hindi nakaligtas ang mga kongresista nang mamatay sa COVID-19 sina Sorsogon Rep. Ma. Bernardita Ramos at Senior Citizens party Rep. Fransisco Datol Jr.
At ngayon, mas tumitindi ang mga infections. Sa karera ng kabayo, 16 na race jockeys at 10 trainer ang nagpositibo sa COVID-19. Maging government offices ay napilitang magsara, kabilang dito ang Senado, House of Representatives, Camp Aguinaldo, Camp Crame, DOJ, DSWD, Civil Service Commission, Dept of Agriculture, Bureau of Immigration at maraming mga Halls of Justices sa buong bansa.
Suma total, mas mabagsik , mas nakamamatay itong mga bagong “strains” ng COVID-19. Bukod diyan, walang tatanggap sa iyong ospital, may pera ka man o wala, kahit pa ikaw ay naghihingalo na.
Talagang “buwis-buhay” kapag ikaw ay nagpositibo. Kaya naman, kailangang pumasok sa utak ng bawat isa sa atin ang matinding panganib ng COVID-19 sa ating buhay lalo na sa ating pamilya.
Isiniwalat ko ang mga kwentong kamatayan sa COVID-19 hindi para takutin kayo. Ito’y tunay na buhay at huwag niyo nang hintayin na mangyari ito sa pamilya ninyo!
The post Mga kwentong kamatayan sa ngayo’y mas mabagsik na COVID-19 appeared first on Bandera.
0 Comments