Maging ang talent manager/vlogger na si Ogie Diaz kasama si Mama Loi ay takang-taka rin sa balitang ito na hindi natatapos kaya pinag-usapan nila ito sa YouTube channel nitong Ogie Diaz Showbiz Update.
Bakit ba laging nababalita na mapapanood na ang It’s Showtime sa TV5 tulad ng ibang Kapamilya shows sa primetime? E, umeere sa kasalukuyan ang Lunch Out Loud o LOL? Hindi naman pupuwede na dalawang programa sa tanghali na parehong concept ang eere sa Kapatid network.
Si Mama Loi ang unang nagsabi na narinig niyang mapapanood na nga ang programang It’s Showtime sa TV5.
“Maaring mangyari na mapunta ang Showtime sa TV5 kung sakaling mawala sa ere ang Lunch Out Loud kasi ilang shows na ng Kapamilya ang nasa TV5 puwera lang ang TV Patrol. Pupuwedeng sumunod pero hindi naman puwedeng dalawa ang lunch time show sa TV5 isa lang dapat ‘yun,” paliwanag ni Ogie.
Dagdag pa, “Hayaan mong mag-enjoy ang Lunch Out Loud sa TV5.”
Sa pagtatanong namin ay okay ang ratings ng LOL at laging full load ang ads nila kaya paano tatanggalin ito? Maliban na lang kung may nangyaring hindi maganda sa show.
At kaya pala nababalitang lilipat ang Showtime, ayon kay Ogie, “’Yung balitang lilipat sa bagong tahanan, feeling ko ah ito ‘yun. Iibahin ang look ng Showtime. Magkakaroon sila ng ng bagong set design. So, ‘yun siguro ang sinasabi ng mga tao na baka lilipat sa TV5 sa bagong tahanan hindi po. Baka po sa bagong set. Pero doon pa rin sa studio ng ABS-CBN.”
Tanong ni Mama Loi, “Malakas ba ang Lunch Out Loud? Kumikita ba?”
“Sa advertisers? Ay hindi ko alam kasi sa totoo lang ‘yung Showtime hindi ko napapanood, ‘yung Eat Bulaga hindi ko napapanood, Lunch Out Loud hindi ko napapanood. Minsan lang pag sa online doon ko sila. Hindi naman ako taga-Marketing ng Lunch Out Loud.
“Saka mo na lang isipin ‘yan Loi pag nawala na talaga ang Lunch Out Loud sa TV5 at palitan ito ng It’s Showtime alam mo na ang ibig kong sabihin. Kasi kung kumikita naman bakit papalitan ng Showtime? Hangga’t nandidiyan ang Lunch Out Loud ibig sabihin kumikita, lumalaban pa rin kaya ‘wag nating tapusin ang career (sabay tingin kay mama Loi)?” pahayag ni Ogie.
Hayaan na ang LOL sa TV5 at least may tatlong lunch time program na napapanood ang publiko ABS-CBN online, GMA 7 at TV5.
The post Lunch Out Loud papalitan nga ba ng It’s Showtime sa TV5? appeared first on Bandera.
0 Comments