Tumutulong ang Globe na paunlarin ang kaalaman ng mga batang mag-aaral sa wikang Ingles sa gitna ng malaking pagbaba ng Pilipinas sa mga bansang mahusay sa Ingles. Ito ay bilang suporta rin sa pagsisikap ng Department of Education (DepEd) na tugunan ang lumalaking banta ng pandemya sa sistemang pang-edukasyon.
Sa ilalim ng Global Filipino Teachers (GFT) program ng Globe, nakikipagtulungan ang kumpanya sa Teacher for the Philippines (TFP) para makapaghatid ng mahahalagang sesyon ng pag-aaral na makatutulong sa mga guro at magulang sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19.
Isa sa pangunahing binibigyang pansin ng mga sesyon ay ang Early Language Literacy. Sa mga webinar ng GFT na isinagawa kamakailan, ginabayan ang mga dumalo kung paano sila makakapagturo ng mga kasanayan sa paunang pagbabasa, paano ipakilala ang tunog at pag-print, pag-decode at pagbabasa gamit ang paningin, pati na rin kung paano gumawa ng plano ng isang programa sa pagbabasa para sa mga bata.
Tinalakay din ng mga webinar ang naaangkop na kombinasyon ng mga modalidad para ma-target ang iba’t ibang mga layunin sa pag-aaral, mga paraan para masubaybayan ang pag-unlad ng mga mag-aaral, at kung paano mapapakinabangan ang pag-aaral sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga bata ng mga laro at aktibidad para sa malayang pagsasanay.
Hinimok din ang mga guro na isama ang mga mag-aaral sa paghahanda ng kanilang sariling mga materyal mula sa mga karaniwang bagay na makikita sa bahay at kung paano nila mapapangalagaan ang mga relasyon sa mga bata at mga pamilya nito. Ang mga sesyon ay maaaring makita sa https://ift.tt/2ZQ7XgH.
“Ang Global Filipino Teachers program ay sumusuporta sa ating mga public school teachers na mabigyan ng kinakailangang kasanayan at kaalaman para maatim ang 21st century learning. Ang mga programang ito ay malaking suporta para sa ating mga guro ngayong new normal,” ayon kay Yoly Crisanto, Globe Chief Sustainability Officer at SVP para sa Corporate Communications.
“Nangangailangan ang ating mga guro at mag-aaral ng malawakang suporta,” wika ni Angel Ramos, Marketing & Events Director ng TFP. “Sa pagbabahagi ng makabagong stratehiya at diskarte sa pagtuturo ng pagbasa sa ating mga guro, inaasahan natin na mas mapapaigting ang kakayahan nilang magbigay-kaalaman sa ating mga mag-aaral. Sa paraang ito, mas dadali at bibilis din matuto ang mga bata na magbasa.”
Dahilan sa pandaigdigang krisis sa kalusugan, napilitan ang buong bansa na tumingin ng mga bagong paraan ng pagtuturo. Bukod sa pagrepaso sa mga pamantayan sa pag-aaral, gumagamit din ang DepEd ng iba’t-ibang kaparaanan para maihatid ng maayos ang mga leksyon sa mga bata.
Gayunpaman, nagbabanta ang kasalukuyang set up na lalo pang lumaki ang agwat sa pagitan ng mga makakapagpatuloy ng edukasyon at sa mga hindi. Ang sitwasyong ito ay maaari ring maging sagabal sa pagbuo ng mga kasanayan ng mga mag-aaral at makaapekto rin sa pagkakaloob ng mga naaangkop na karanasan para sa mga bata.
Gayundin, ang kasalukuyang sitwasyon ay maaaring makaapekto sa kakayahan ng mga bata na malaman at ipahayag ang kanilang sarili sa wikang Ingles. Bago pa man ang krisis, sinabi na ng international organization na Education First na bumaba sa ika-27 ang ranggo ng Pilipinas sa English Proficiency Index ng nakaraang ilang taon mula ika-13 ranggo noong 2016.
Patuloy na nakatuon ang Globe sa pagtataguyod ng 10 prinsipyo ng United Nations Global Compact at UN Sustainable Development Goals (SDGs) partikular ang kalidad na edukasyon (SDG 4) at pakikipagsosyo para sa layunin (SDG 17).
Para sa mas malawak na impormasyon ukol sa sustainability efforts ng Globe, bisitahin ang https://www.globe.com.ph/about-us/sustainability.html
The post Globe tumutulong paunlarin ang kaalaman ng mga bata sa wikang Ingles appeared first on Bandera.
0 Comments