ISA-ISANG sinagot ng bagong Kapuso leading man na si Richard Yap ang mga kontrobersyal na tanong tungkol sa kanyang personal at professional life.
Game na game na nakipagchikahan ang actor-businessman sa hosts ng “The Boobay and Tekla Show” (TBATS) na sina Super Tekla at Boobay last Sunday kung saan maraming rebelasyong nalaman ang publiko about his career and lovelife.
Sumabak ang aktor sa “May Pa-Presscon” segment ng Kapuso comedy show at dito nga niya sinagot kung sinu-sino ang mga crush niya sa showbiz at kung payag ba siyang gumanap na beki sa isang acting project.
Sa unang bahagi ng segment, inamin ni Richard na wala naman daw talaga siyang balak na mag-artista. Noong kabataan niya ay may nag-offer sa kanya na magmodelo pero tinanggihan niya ito.
“Noong college pa lang ako, may lumalapit, sinasabi na kung gusto ko ba daw mag-model. Pero sabi nila, kailangan daw maghubad. Sabi ko, hindi ko pa naman kailangan ng pera, huwag na muna,” kuwento ni Richard.
Kasunod nito, may mga dumating pang ibang offer sa kanya hanggang sa tumanggap na nga siya ng raket sa pagiging commercial model hanggang sa pasukin na rin niya ang pag-aartista.
Binanggit din niya ang ilang female stars na super crush niya noong wala pa siya sa showbiz, kabilang na riyan sina Dawn Zulueta, Angel Locsin at Solenn Heussaff.
At sa tanong kung game ba siyang magbida sa gay movie o BL (Boys’ Love) series, “Baka hindi, e. Para kasing hindi ko siya kaya, baka hindi ko magampanan nang tama.”
Ang dream project daw niya ay action-drama at sana’y nabigyan nga siya ng chance na makagawa ng ganitong uri ng pelikula o serye. Gusto raw niya ang mga action character tulad ni James Bond.
Nang tanungin naman nina Boobay at Tekla kung ilang taon siya nang unang magka-girlfriend, unang sinagot ng aktor ay 16 years old, pero binago niya ito at sinabing 14 daw nu’ng una siyang makipagrelasyon dahil first year high school lang daw siya noon.
At dahil fit na fit nga ngayon ang katawan ni Richard at sa edad niya ngayon ay napagkakamalan pa rin siyang bata, nag-share siya ng ilang health tips para sa mga tulad niyang hot dad.
Aniya, basta ang pinakamahalaga raw ay ang proper diet, exercise at sapat na tulog. Malaki rin ang naitutulong ng pag-inom na maraming tubig araw-araw para hindi ma-dehydrate.
Samantala, balitang si Richard na nga ang napili ng GMA 7 na maging leading man ni Heart Evangelista sa upcoming series nitong “I Left My Heart In Sorsogon” na malapit na raw magsimulang mag-taping kaya yan ang dapat n’yong abangan.
The post Richard Yap hindi kayang gumanap na bading; makakatambal si Heart sa ‘I Left My Heart In Sorsogon’ appeared first on Bandera.
0 Comments