Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

Raffy Tulfo sinubukan na ring umarte: Hindi bagay sa akin, natatawa ako sa sarili ko

MAITUTURING na ngayong isa sa pinakasikat na YouTube star ang TV host-news anchor na si Raffy Tulfo with 18.3 million subscribers sa kanyang YT channel.

Kaya naman ang laging sinasabi ng publiko, siya na ang pinakasikat na Tulfo ngayon sa mundo ng telebisyon, social media at sa iba pang digital platforms.

“Honestly, I don’t think of that. I’m still the same Raffy Tulfo na parang nung nagsisimula pa lang ako as reporter sa PTV4. Walang pagbabago sa akin.

“Hindi ko iniisip na may 18.3 million subscribers ako sa youtube, kasi baka lumaki ang ulo ko and I don’t want that to happen,” pahayag ni Raffy sa ginanap na virtual mediacon para sa bago niyang show sa TV5, ang drama anthology na “Wanted: Ang Serye”.

Sa dami ng programa niya ngayon sa Kapatid Network, hindi ba siya nag-aalala na baka ma-overexpose na siya at pagsawaan ng manonood?

“Yes, marami akong exposure, but I don’t consider it as overexposed kasi iba-iba naman ang oras na napapanood ako at iba-ibang klaseng viewers ang nanonood sa akin. And now in ‘Wanted Ang Serye’, this is also for all viewers from all social classes kasi kahit ang mga nasa A&B class lumalapit sa akin kapag may problema sila,” sagot niya.

May nagtanong naman kay Raffy na siya na ang bagong babanggain nina Charo Santos ng “Maalaala Mo Kaya” at Mel Tiangco ng “Magpakailanman” pagdating sa pagsasadula sa TV ng mga kuwento ng totoong tao.

“Naku, hindi. Sina Ma’am Charo and Ma’am Mel, malayong-malayo na po sila at ang mga programa nila. Nandito pa lang po ako,” ang tila nahihiyang sagot ng TV host.

Posible ba na umakting din siya sa isang episode ng bago niyang drama series? “Ay no, I won’t act. Hindi bagay sa akin, hindi ko kaya. Sinubukan ko siya minsan, natatawa ako sa sarili ko, so hindi talaga pwede.”

Nitong nakaraang Sabado, Enero 16, napanood ng publiko ang pagsasadula ng isa sa mga pinag-usapang kuwento sa matagumpay na TV premiere ng “Wanted: Ang Serye” sa TV5.

Ang paglalahad ng mga isyu mula sa “Wanted sa Radyo” at “Idol in Action” ay karugtong sa serbisyo publiko ni Raffy Tulfo sa mga Pilipino.

Isinasabuhay dito ang pinakapinag-usapang kuwento, kung saan tinatalakay at binibigyang solusyon ang mga ito mismo ng kinikilalang “Hari ng Public Service.”

Sa pilot episode ng “Wanted: Ang Serye” isinadula ang kuwento ng isang OFW (ginampanan ni Pokwang) na nadiskubre sa kaniyang pag-uwi na may eskandalosong relasyon ang kaniyang mga anak (ginampanan nina Bugoy Cariño at Louise delos Reyes).

Ngayong Sabado, Enero 23, isang kontrobersyal na episode uli ang matutunghayan sa pagganap ni Epi Quizon bilang Exur, isang transgender, at ang kanyang lesbian partner na si Joana, na gagampanan ni Ritz Azul.

Tampok din sa mga darating pang episodes ng “Wanted: Ang Serye” ang mahusay na pagganap ng mga top-rated actors tulad nina Adrian Alandy, Max Eigenmann, Alex Castro, Ruby Ruiz, Mickey Ferriols, Kim Molina, at marami pang iba.

Sa pangunguna ni “Idol” Raffy Tulfo, hindi lang pinaliliwanagan ng Wanted: Ang Serye ang mga “kwento sa likod ng reklamo” kundi nagbibigay din ito ng resolusyon at mahahalagang aral sa mga manonood.

Mapapanood ang “Wanted: Ang Serye” tuwing Sabado, 9 p.m. sa TV5.

The post Raffy Tulfo sinubukan na ring umarte: Hindi bagay sa akin, natatawa ako sa sarili ko appeared first on Bandera.

Post a Comment

0 Comments