Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

Parokya ni Edgar, Gloc-9, Ben&Ben ‘bubuksan’ ang Araneta Coliseum

PHOTO from Wish FM 107.5 Twitter

MAKARAAN ang sold-out Valentine concert nina Asia’s Songbird Regine Velasquez at Popstar Royalty Sarah Geronimo noong Pebrero, 2020, hindi na muling nakapagdaos ng malalaking pagtatanghal sa Smart Araneta Coliseum.

Ito’y matapos ipatupad sa bansa ang community quarantine upang maampat ang pagkalat ng Covid-19.

 

Dahil dito, ilang malalaking concert ang biglang nakansela, kabilang na ang konsyerto ng Koreanong si Ong Seong-Wu, at ang 2020 Binibining Pilipinas pageant.

Ngunit makalipas ang halos isang taon, muling magbubukas ang Big Dome sa Araneta City sa Quezon City sa Enero 17 para sa live na pagdaraos ng ikaanim na taunang Wish Music Awards na tatampukan ng Parokya ni Edgar, Ben&Ben at ni Gloc-9.

Nakatakda ring magtanghal sa Araneta sina KZ Tandingan, Clara Benin, Leanne and Narra, Michael Pacquiao, Keiko Necesario, vocal group na The Wishfuls, Reese Lansangan, at ang unang “Australian Idol” na si Guy Sebastian.

Magsisilbi namang host ng event ang Kapamilyang si Gretchen Ho at ang Kapusong si Christian Bautista.

Gayunman, walang tatanggaping live audience. Sa halip, mapapanood ito sa opisyal na YouTube channel ng Wish FM.

Doon ihahayag ang mga magwawagi sa 20 kategorya, kabilang ang bagong-likhang “Best Quarantine-Produced Song.”
 

The post Parokya ni Edgar, Gloc-9, Ben&Ben ‘bubuksan’ ang Araneta Coliseum appeared first on Bandera.

Post a Comment

0 Comments