Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

Magkakaalaman sa COVID-19 sa Maynila sa susunod na 2 lingot

Simula Enero 23, malalaman ng bansa kung nagka-“hawaan” ng COVID-19 sa mapayapa at matahimik na Traslacion sa Quiapo Church. Ito’y batay sa mga medical experts na nagsasabing lalabas sa loob ng dalawang linggo ang mga sintomas ng pandemya sa mga debotong dumalo sa mga misa at sa pila sa Traslacion.

Bagamat sumunod sa minimum health protocols ang karamihan ng higit kalahating milyong deboto, maraming ‘lapses” sa “physical distancing” ang nakita sa video bukod pa sa maraming maling pagsusuot ng mga face mask at face shields.

Bahala na ang Panginoong Hesukristo, sabi ng nakararami, na sinusog naman ng rector ng Simbahan ng Quiapo. Kasi naman, talaga namang lugmok, sadlak at wala na raw masulingan ang sambayanan sa hirap at panganib ng nakamamatay na COVID-19.

Nitong nakaraang tatlong araw, kapansin-pansin ang pagdami ng mga bagong kaso: 1,776 noong Biyernes, 1,952 noong Sabado at 1,906 nung Linggo. Dati, nasa 800-900 na lamang tayo bago magpasko.

Kahit ganito, mas maganda pa rin ang sitwasyon natin sa “new cases” kumpara sa mga kalapit nating bansa. Ang Indonesia ay nagtala rin kahapon ng mga new cases na 9,640 at ang Malaysia naman ay 2,433.

Maganda rin ang balita sa ating “active cases” na 20,087 lamang, at tayo ay number 3 na lang ngayon dito sa ASEAN at number 59 sa buong mundo.

Nangunguna sa ASEAN at number 21 sa buong mundo ang Indonesia (122,873 active cases) samantalang nasa number 45 ang Malaysia (27,332 active cases).

Pero, di pa rin pwedeng magpakampante dahil kailangan nating ituloy ang “face mask-face shield” at “physical distancing“ sa bawat pakikipagsalamuha natin sa araw-araw..

Hindi niyo napapansin, marami na ang namamatay sa ating kapaligiran. Ang kabuuang bilang ay 10,339 na mga Pilipino na binubuo ng 9,405 local residents at 934 na overseas Pinoys. Marami sa kanila ay mga kamag-anak, kaupisina, kaibigan, kakilala , mga pulitiko, artista, bata, matanda, mahirap, o bilyonaryo na hindi pinalad na masilayan ang bagong taong 2021.

Kaya naman, bilang “survivors” huwag nating sayangin ang ating kaligtasan. Magtulungan at makiisa tayo sa lahat ng kilusan, gobyerno , baranggay o pribadong sektor upang makontrol kundi man mapuksa ang ‘pandemyang ito.

Hindi nakakagulat

Hindi ako nagulat nang kumpirmahin ng Malakanyang ang paghirang kay dating Mandaluyong mayor at Congressman Benhur Abalos bilang bagong chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Sumunod si Benhur sa amang si Mandaluyong mayor at Fiscal Benjamin Abalos Sr. na naglingkod ding MMDA chairman mula noong January 2001 hanggang June 2002 bago nalipat bilang COMELEC Chairman.

Kung susuriin, nag-eenjoy na itong si bagong Chair Benhur sa pagiging propesor sa University of the Philippines, pero nagniningning ang kanyang track record bilang napakagaling na local government administrator. Bukod dito, siya ang tanging opisyal na magkasabay na naging pinuno ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), umbrella organization ng higit 1.2 milyong elected officials sa buong bansa at lider ng League of Cities of the Philippines (LCP), asosasyon naman ng 122 city mayors.

Kamakailan, nagkaroon si Benhur ng COVID-19 kasama ang amang si Ben at ina niyang si Cora. Personal niyang binantayan ang kanyang ina sa ospital kahit nahawa siya sa karamdaman, isang patunay ng pagmamahal ng anak sa kanyang magulang. Isang karakter na ibang klase at talaga namang kahanga-hanga.

Kaya naman sa mga susunod na araw, inaasahan ko ang mas bago, aktibo, mas masigla at maka-mamamayang MMDA. Babantayan natin ito ng husto.

The post Magkakaalaman sa COVID-19 sa Maynila sa susunod na 2 lingot appeared first on Bandera.

Post a Comment

0 Comments