Isang babae ang pinagmulta ng pulisya sa Canada matapos na ipasyal niya na parang aso ang isang lalaki.
Nakapailalim ang lalawigan ng Quebec sa magdamag na curfew bilang paraan para masawata ang pagkalat ng coronavirus, pero pinapayagan ang mga residente na magpasyal ng kanilang aso sa lugar na malapit sa kanilang bahay.
Nitong Sabado, isang babae ang sinita ng pulis sa Sherbrooke, may 150 kilometro sa silangan ng Montreal, na gumagala pa rin kahit curfew na.
Nang kumprontahin ng pulis, sinabi ng babae na ipinapasyal niya ang kanyang aso.
Pero ang totoo, isang lalaki na may tali sa leeg ang pinapalakad niya na parang alagang aso.
Ayon kay Isabelle Gendron, spokeswoman ng pulisya ng Sherbrooke, mukhang “tinetesting lamang kami” ng babae.
Pinagmulta ang babae ng Can$1,500 (o mahigit P56,000), pero sa kabila nito ay tumanggi pa rin siyang sumunod sa patakaran na para sa kanya ay naglilimita sa kanyang kalayaan. Sinabi niya sa pulis na maglalakad pa rin siya sa lansangan kahit curfew.
Sa Montreal din, isang lasing na motorista naman ang pinahinto ng pulis at pinagmulta.
Ang katwiran daw ng lalaki, ayon kay Gendron, ay “gusto lamang nitong makita kung ano ba ang pakiramdam na nasa labas pa sa oras ng curfew.”
Buong lalawigan ng Quebec ay ipinailalim sa curfew na mula 8:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga sa loob ng apat na linggo. Ang ganitong restriksyon ay hindi naranasan sa Canada magmula ng manalasa ang Spanish flu sa bansa mahigit 100 taon na ang nakararaan.
Sa buong lalawigan, umaabot na sa 740 tickets ang nai-issue ng pulisya dahil sa paglabag sa curfew.
Mula sa ulat ng Agence France-Presse
The post Lalaki itinali sa leeg at ipinasyal na parang aso sa Canada at ang dahilan ay ikinagulat ng pulisya appeared first on Bandera.
0 Comments