PINOY na Pinoy na rin ang puso at panlasa ng Korean actress-dancer na si Dasuri Choi.
Ilang taon na ring namamalagi sa Pilipinas si Dasuri na unang sumikat sa isang segment ng Kapuso noontime variety show na “Eat Bulaga”.
At ngayon nga ay araw-araw na siyang napapanood ng mga Dabarkads sa “EB” portion na “Social Dis Dancing” kung saan siya ang nagtuturo ng mga steps para sa mga latest dance craze kasama sina Maine Mendoza, Alden Richards, Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros at Ryan Agoncillo.
Nagkuwento ang dalaga ng ilang detalye tungkol sa kanyang personal life sa nakaraang episode ng “Tunay Na Buhay,” kung saan nagpasalamat siya nang bonggang-bongga sa “Eat Bulaga.”
Si Dasuri ang nanalong Best in Talent at 2nd runner-up sa contest noon ng programa na “You’re My Foreignay” at mula nga noon nagsimula na ang showbiz career niya sa Pilipinas.
Isinilang sa South Korea si Dasuri o Choi Da-seul noong Abril 25, 1988 at aniya, bata pa lang ay talagang adik na siya sa pagsasayaw. Namana niya ito sa kanyang nanay na isang dance instructor.
Kuwento pa ng Koreana, ilang beses na rin siyang nag-join sa iba’t ibang contest sa Korea. Pero may kasunduan daw sila ng mga magulang — kailangang mataas daw ang kanyang grades sa school para payagan siya sa hilig niya sa pagsasayaw.
“Nakita nila siguro noong highschool pa lang, kahit sobrang ayaw nila, pinush ko talaga, ‘yung grade ko talagang high, dapat para matutuwa sila tapos, ‘Sige go ka na, practice ka na.’ Na-appreciate nila ‘yung effort ko,” chika ni Dasuri noong tumungtong na siya sa college.
At dahil nga sa taglay na talento at sa kanyang pagsisikap, naging isa siyang professional dancer at naging choreographer at back-up dancer pa ng ilang K-pop groups tulad ng Yama and Hotchicks at Wonder Girls.
Ngunit nang magkaroon ng slipped disk at muscle spasm na nakuha niya sa matinding paghataw sa kanyang mga performance, sandaling tumigil sa pagsasayaw ang dalaga.
“Para sa akin po kasi hindi mawawala talaga ‘yung dance ko sa buhay. Hindi ko mai-imagine na hindi ako makakasayaw,” kuwento pa ni Dasuri.
Samantala, single at available ngayon ang Koreana pero hindi naman daw siya nagmamadaling magka-boyfriend. Pero may tatlo siyang nabanggit na katangian ng isang Pinoy na gusto niyang maging boyfriend.
“Positivity, gusto ko positive ang ano niya (pananaw sa buhay), tapos yung mata, gusto ko malaki mata po. Ha-hahaha! Tsaka gusto ko po medyo tan yung skin,” sey pa ni Dasuri.
At nang matanong kung sino sa mga Kapuso actors ang nais niyang makatambal kung bibigyan siya ng launching project, ang mabilis niyang sagot, “Si Kuya Betong (Sumaya) po.”
The post Dasuri Choi may 3 katangiang hinahanap sa Pinoy boyfriend; gustong makatambal si Betong appeared first on Bandera.
0 Comments